BRC probe vs FMR, ayuda, super health centers, ikinasa ni Lacson
Ni Ernie Reyes
Bubusisiin ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson ang mga kahina-hinalang farm-to-market roads, “ayuda” program, at “Super Health Center” na nakinabang sa mahigit P255.5 bilyon na inilipat mula sa pondo para sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa panukalang 2026 budget.
Ani Lacson, lumalabas sa paunang pagsusuri ng mga realignment na napunta ang mga pondo sa naturang mga proyekto, pati na sa ilang “ayuda” program na posibleng pondohan ng unprogrammed appropriations.
Bahagi rin ng inilipat na pondo ang napunta sa Health Facility Enhancement Program (HFEP), na nagpopondo sa Super Health Center.

“Maraming na-realign, papunta sa farm-to-market roads. Ang tanong, galing ba sa Department of Agriculture ang listahan o sa congressmen?” ani Lacson.
“Ang ibang ayuda naligaw sa unprogrammed appropriations, which we intend to uproot at ibalik sa regular,” dagdag pa niya.
Balak ni Lacson na pag-isahin ang mga pondo para sa “ayuda” at social services sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), kung saang masusing sinuri ang mga kwalipikadong pamilyang nangangailangan ng kabuhayan at edukasyon.
Itinutulak din niya ang pag-realign ng mahigit P2 bilyon para sa “Tulong Dunong” scholarship program ng mga mambabatas patungo sa Free Tertiary Education Act.
Noong Martes, sinabi ni Lacson na kikilos ang Senado upang tanggalin sa panukalang 2026 budget ang mga “alien” at “turo-turo” items — gayundin ang mga unprogrammed appropriations na hindi konektado sa mga foreign-assisted projects.
Ipinaliwanag ni Lacson na ang “alien” ay tumutukoy sa mga item na hindi kasama sa mga disagreeing provisions ng House at Senate versions ng budget bill, habang ang “turo-turo” naman ay yaong mga programang padalos-dalos, arbitraryo, at nakabatay sa patronage politics.
Dagdag pa ni Lacson, kikilos ang Senado upang i-realign ang mga “turo-turo” items papunta sa makabuluhang programang tulad ng Universal Health Care (UHC).
Ibinahagi ni Lacson na napag-usapan na nila ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pagsasama ng mga pondo para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) sa ilalim ng UHC. Sa ganitong paraan, hindi na kailangang maglabas ng guarantee letters ang mga mambabatas dahil ang Department of Health na ang tutukoy kung sino ang dapat bigyan ng tulong.
“Our work as lawmakers is to legislate and exercise oversight, not to implement laws,” ani Lacson.
“Let’s make our programs systematic, and not whimsical, arbitrary and patronage-based,” diin niya.
Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews
