Pinoy restaurants sa Michelin Guide, pinuri ni Legarda

Ni Ernie Reyes

Pinuri ni Senadora Loren Legarda ang mga restaurant, chef, at propesyonal sa local culinary industry na kinilala sa unang Michelin Guide Philippines 2026.

Sa inihaing Senate Resolution No. 164, binigyang-diin ni Legarda na ipinakita ng Michelin Guide Manila and Environs & Cebu 2026 ang kakaibang sarap at kaibahan ng pagkaing Pilipino mula sa fine dining at sustainable gastronomy hanggang sa simpleng kainan at mga paboritong putaheng sumasalamin sa pagka-Pilipino.

“Natutuwa tayo na kinilala ng isang prestihiyosong international culinary guide ang lutong Pilipino bilang bagong bituin sa Asya. Sana ay maging inspirasyon ito sa marami na maghangad magkaroon ng sarili nilang Bib Gourmand o Michelin star balang araw,” ani Legarda.

“Hiling ko rin na makatulong ang pagkilalang ito para palakasin pa ang turismo ng bansa, at maging paboritong destinasyon ng mga dayuhan na gustong matikman ang iba’t ibang putahe sa bawat rehiyon,” dagdag niya.

Sa unang pagkakataon sa bansa, 108 na establisimyento sa Maynila at Cebu ang sinuri ng Michelin Guide para tukuyin ang pinakamahuhusay na kainan sa Pilipinas.

Ang Makati City ang nagsisilbing tahanan ng kauna-unahang two Michelin Star restaurant sa bansa, ang Helm ni Chef Josh Boutwood, na nagpamalas ng pambihirang talento, balanseng lasa, at hindi malilimutang karanasan sa pagkain.

Bukod dito, walong restawran sa Makati, Taguig, Parañaque, at Alfonso, Cavite ang ginawaran ng isang Michelin Star dahil sa husay, inobasyon, at paggamit ng lokal na sangkap, na nagpapakilala sa pagkaing Pinoy.

Mayroon ding 25 kainan na nakatanggap ng Bib Gourmand award para sa masasarap ngunit murang pagkain, habang 74 na restawran ang napabilang sa Michelin Selected list sa Greater Manila Area at Cebu.

“Laging espesyal ang pagkaing Pilipino, at ang pagkilalang ito ay magtutulak sa ating culinary industry tungo sa mas mataas na antas,” giit ni Legarda.

“Isa itong makasaysayang yugto para sa ating turismo at creative industries na patunay na kayang-kaya nating itaguyod ang sustainable at inclusive growth na nakaugat sa kulturang Pilipino.” 

Ernie Reyes nag-uulat para sa RoadNews