CAP Act ni Aquino, UMANI NG MAS MALAWAK PANG SUPORTA SA SENADO

Ni Ernie Reyes

Umani ng mas malawak pang suporta sa kapwa Senador ang Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act ni Senador Bam Aquino nang isponsoran nito ang panukalang batas sa plenaryo nitong  Miyerkoles.

Sa lakas ng suporta, sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto na puwede nang ipasa ng Senado ang panukalang batas ngayong araw.

“With the number of sponsors and co-authors of this measure, we might as well pass it today,” wika ni Sotto ukol sa Senate Bill No. 1482 ni Aquino, o “An Act Establishing the Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Under the Department of Education, Authorizing Local Government Units and Civil Society Organizations to Undertake Classroom Construction Projects.”

“But nevertheless, because we have to follow the rules, we will have to suspend and approve it afterwards,” dagdag pa ni Sotto.

Dalawampu’t dalawang senador ang lumagda sa Committee Report No. 6, habang sina Senators Kiko Pangilinan, Bong Go, Loren Legarda, Robin Padilla, Raffy Tulfo, Joel Villanueva, Pia Cayetano, Sherwin Gatchalian, Erwin Tulfo, JV Ejercito, Mark Villar, at Jinggoy Estrada ang tumayong co-sponsor ng panukala.

Kabilang naman sina Senador Imee Marcos, Camille Villar, Raffy Tulfo, Legarda, Villanueva, Estrada, at Gatchalian sa mga co-author ng CAP Act.

Ibinahagi rin ni Sotto na ang Senate Bill No. 1482 ay kabilang sa mga priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

“I have good news for you. Senate Bill 1482, establishing the Classroom-Building Acceleration Program of which you are the principal author of and sponsor, is included in the LEDAC. Even the Palace is backing up your bill. LEDAC priority list, it’s included there,” ani Sotto.

Nagpasalamat naman si Aquino sa kanyang mga kasamahan sa Senado para sa kanilang malawak na suporta, at sinabi na ang CAP Act ay isang panukala kung saan maaari silang magkaisa para sa kabataan at sambayanang Pilipino.

“I just like to thank our colleagues sa napakarami pong sumusuporta. Maraming maraming salamat po. Alam ko pong maraming sumusuporta, hindi ko po ini-expect na marami pong magko-co-sponsor and magko-co-author,” sabi ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education.

“I hope this can be one of the measures where we can work together for the Filipino youth and the Filipino people,” dagdag pa niya.

Sa kanyang sponsorship speech, nanawagan si Aquino ng mabilis na pagpasa ng CAP Act, na aniya’y makatutulong upang maibsan at tuluyang masolusyunan ang 165,000-classroom backlog sa mga pampublikong paaralan, at itaguyod ang transparency at accountability sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.

Binigyang-diin din niya ang pangangailangang agarang tugunan ang kakulangan sa mga silid-aralan sa tulong ng mga local government units (LGUs) at non-government organizations (NGOs) bago pa ito lumobo sa 219,000 sa susunod na tatlong taon kung hindi aaksyunan agad.

Ipinunto rin ni Aquino ang mabagal na pagpapatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan 22 lamang sa 1,700 target classrooms para sa 2025 ang natatapos hanggang sa ngayon.

“Kung nais po natin masara ang classroom gap by 2031–in 6 years–pakiwari ko po kailangan po nating magbuo ng 39,000 classrooms kada taon. Take note po, ang target for 2025, 1,700 classrooms po lamang. Kung ganyan lang po ang target natin, tila imposible po masara ang classroom gap,” ani Aquino.

“Pero kung nais po natin itong maisara, in six years, kailangan po nating magbuo ng 39,000 classrooms per year for six years. Ang presyo po nito, roughly, nasa P90 billion pesos kada taon, or to close our classroom gap, kailangan po natin ng P540 billion sa loob ng anim na taon,” dagdag pa niya.

Bagaman malaking halaga ang kailangan, sinabi ni Aquino na ito ay katumbas lamang ng kalahati ng P252 bilyon na orihinal na inilaan ng pamahalaan para sa flood control program sa panukalang 2026 national budget.

Ayon sa senador, tungkulin ng pamahalaan na tiyaking sapat ang pondo para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, na tinawag niyang napakagandang regalo sa 25 milyong public school learners.

Sa ilalim ng panukalang batas, papayagan ang mga LGU at NGO na may napatunayang track record na magpatayo ng mga silid-aralan gamit ang pondo ng pambansang pamahalaan, alinsunod sa panuntunan ng Department of Education (DepEd).

Binigyang-diin din ni Aquino ang mahigpit na anti-corruption safeguards ng panukala, kabilang ang standardized price ceiling upang maiwasan ang overpricing at masiguro ang wastong paggamit ng pondo ng bayan.

Inaatasan din ng panukalang batas ang DepEd na isapubliko ang lahat ng dokumento kaugnay ng pagpapatayo ng mga silid-aralan sa ilalim ng CAP Act, upang mabantayan ng publiko ang paggamit ng pondo at matiyak ang transparency.

Mahigit 800 lokal na opisyal, kabilang ang mga gobernador, bise gobernador, alkalde, bise alkalde, konsehal, board members, at iba pang lider, ang nagpahayag ng matibay na suporta sa pagpasa ng panukalang batas ni Aquino.

Kabilang sa mga ito sina League of Municipalities of the Philippines (LMP) National President at Echague Mayor Inno Dy, Naga City Mayor Leni Robredo, Quezon City Mayor Joy Belmonte, Marikina Mayor Maan Teodoro, Iloilo City Mayor Raisa Trenas, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, Tampakan Mayor Leonard Escobillo, Infanta, Quezon Mayor LA Ruanto, at Akbayan Partylist Reps. Chel Diokno at Perci Cendana.