Imee, kinastigo ni Lacson sa paratang na droga kay BBM: ‘Di maka-Filipino’

Ni Ernie Reyes

Un-Filipino. Ito ang paglarawan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Martes sa mga paratang ng paggamit ng droga na ibinato ni Sen. Maria Imelda Josefa Remedios “Imee” Marcos laban sa kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang religious gathering noong Lunes.

Diin ni Lacson, bagama’t maaaring magkaroon ng hindi pagkakasundo ang magkakapamilya, ang paraan ng mga Pilipino ay resolbahin ito sa loob ng tahanan at hindi ibubunyag sa daan-daang libong tao sa isang pampublikong pagtitipon.

“Ang masasabi ko lang, medyo napaka un-Filipino. Tayo nakasaksi ng pag-aaway ng magkakapatid pero yan confined sa bahay… Pero magsalita ka sa harap ng daang libong tao sa Luneta, para sa akin, hindi katanggap-tanggap bilang isang Pilipino. Hindi tayo ganyang mga Pilipino,” aniya sa panayam sa True FM.

“Nawalan ako ng bilib kay Sen. Imee sa kanyang ginawa. Pwede niyang gawin may ibang forum para diyan, huwag sa harap ng daang libong tao hayagan mong sisiraan, totoo man o hindi,” dagdag niya.

Tinutukoy ni Lacson ang akusasyon ni Sen. Marcos sa rally ng Iglesia ni Cristo sa Maynila noong Lunes, kung saan sinabi umano nito na ang Pangulo at ilang miyembro ng kanyang pamilya ay sangkot sa droga.

Nang tanungin kung ano ang maaaring motibo sa ginawa ni Sen. Marcos, sinabi ni Lacson na wala nang ibang motibo kundi pulitika.

“Pulitika, wala namang iba. Wala akong makitang motibo. Bakit mo sisiraan ang sarili mong kapatid sa harap ng daan daang libong tao?” aniya.