Gatchalian: Destabilization plot, di nakakatulong sa ekonomiya: Piso humina vs Dolyar

Ni Ernie Reyes

Matinding nagbabala si Senador Win Gatchalian na kapag nagpatuloy ang usap-usapan sa destabilisasyon, magdudulot lamang ito ng pinsala sa ekonomiya, na makikita sa mahinang piso kontra dolyar, pagbagsak ng stock market, at pagbaba ng foreign direct investments (FDI).

“Yung simpleng usapan lang ng destabilisasyon, hindi na maganda para sa atin. Ngayon nakikita nating mahina ang piso kontra dolyar, ‘yung stock market pababa. Sino pang mamumuhunan sa atin kung ganyan ang sitwasyon?” tanong ni Gatchalian, na pinuno ng Senate Committee on Finance. 

Binigyang-diin niya na ang negatibong sentimyento ay hindi lang nakakaapekto sa kumpiyansa ng mga investor; pinipigilan din nito ang pagkonsumo ng mga tao sa loob ng bansa.

“Malaking bahagi ng ekonomiya ang household consumption, halos 60 hanggang 70 porsyento. Kapag hindi maganda ang sentimyento ng mga tao, naaapektuhan nito ang paggastos o pagbili,” paliwanag niya.

Ayon kay Gatchalian, ang mas mabagal na paggasta ng gobyerno sa gitna ng mga kontrobersiya na may kinalaman sa mga infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways ay nakakaapekto rin nang masama sa paglago ng ekonomiya, na nagresulta sa hindi magandang 4% na paglago sa ikatlong quarter ng taon. Bukod sa mahinang piso at matamlay na equities market, patuloy na bumababa ang FDI. Bumagsak ito sa $494 milyon o 40.5% noong Agosto dahil sa mas mababang pamumuhunan sa mga debt instruments.