GALIT DI SAPAT, MALINAW NA DIREKSYON KAILANGAN VS CORRUPTION – Cayetano
Ni Ernie Reyes
Kasalukuyang nahaharap ang bansa sa isang krisis hindi lang sanhi ng korapsyon kundi dahil din sa kakulangan ng malinaw na vision at roadmap sa hinaharap.
Ito ang ipinunto ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa isang panayam kay King of Talk Show Boy Abunda.
Dito, pinag-usapan nila ang mga maiinit na isyu sa bansa kabilang ang ilang malawakang protesta laban sa gobyerno, pati ang bagong rebelasyon kung saan idinawit ang Pangulo.

“Ang question para sa akin ay bakit in this period of time, all of us na nasa gobyerno, we cannot provide people with a roadmap or a vision man lang on how are we going to get out of it (political crisis and corruption issues)?” wika ng senador sa video na ipinost sa kanyang official Facebook page nitong November 17, 2025.
Pinuna pa ni Cayetano ang magulo at mapulitikang tugon ng gobyerno na aniya’y dahilan kung bakit lalong nalilito ang taumbayan.
“Sa isyu ng kalituhan, sabi sa Bible, ‘the blind leading the blind.’ Meaning, walang vision. I’m not criticizing any group or leader. I’m criticizing our whole leadership right now… Ang pamilya na walang vision, hindi mo alam kung saan pupunta,” aniya.
Dagdag niya, nagpapahina sa gobyerno ang kakulangan ng malinaw na pamumuno lalo sa mga ahensya tulad ng Department of Public Works and Highways, na nahihirapang pagsabayin ang pagtugon sa korapsyon habang ipinapanatili ang mahahalagang programa para sa kaunlaran.
Nanawagan siya ng pambansang pagkilos para gumawa ng malinaw, kapani-paniwala, at konkretong roadmap na nakabase sa reporma sa mga institusyon, transparency, at tunay na diyalogo.
“I’m saying, let’s take a step back… Tingnan natin kung ano ang nangyayari sa Pilipinas — do you see hope? There is hope, but you do not see it now. Do you see the light at the end of the tunnel? Hindi. You see the tunnel, the darkness. The light that symbolizes na may vision, may pupuntahan — hindi ito pino-provide right now,” wika ng senador.
Giit ni Cayetano, kung walang vision ang bansa, nanganganib na manatili ito sa siklo ng galit at walang tunay na progreso. Kaya hinimok niya ang mga awtoridad na itigil ang bangayan, magsimulang makinig sa tao, at lumaban para sa mga solusyon.
“There’s an extraordinary opportunity here for real change and transformation in our country… Are we willing to listen to each other?” aniya.
“Until we get there, there will be no acceptable solution,” dagdag pa niya.
