‘ALIEN ITEMS’ SA 2026 NATIONAL BUDGET, HAHARANGIN NI GATCHALIAN: ‘DI LULUSOT SA BICAM’
Ni Ernie Reyes
Nanindigan si Senador Win Gatchalian na kanyang tututulan ang anumang “alien” items sa panukalang 2026 national budget na isisingit sa bicameral conference, ang huling yugto bago isumite ang panukalang batas para sa pag-apruba ng Pangulo.
“Yan ang aming pag-iingatan moving forward, lalo na sa bicam conference. Hindi na tayo papayag sa mga ‘alien’ projects. Ito ay ang mga proyektong wala sa original proposal o ’yung bigla na lang pumapasok sa bicam,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance.

“Unang-una, hindi namin napag-usapan ’yan, at pangalawa, masisira ang buong budget process,” dagdag pa niya.
Muling binigyang-diin ng senador ang nasabing pangako kasunod ng pagbubunyag ni Senador Ping Lacson na may ilang opisyal sa ehekutibo na nagpanggap na kumakatawan sa Pangulo upang maipasok ang P100 bilyong halaga ng alokasyon sa bicameral conference para sa pondo ng kasalukuyang taon.
“Kaya naman pinupuri ko ang inyong pagsisikap na maging transparent hanggang sa bicam. Wala nang ‘alien’ items na papasok sa House at Senate versions,” ang sabi ni Lacson kay Gatchalian, bilang pagkilala sa Finance Committee chair sa pamumuno nito tungo sa tinagurian ni Lacson na ‘the most transparent and corruption-free national budget of all time.
