‘ALLOCABLE’ sa 2025 National Budget, BAGONG PORK BARREL – Lacson
Ni Ernie Reyes
Natuklasan ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Martes ang salitang “allocable” sa mga dokumento 2025 national budget na itinuturing nitong bagong pork barrel na pawang “corrupt to the core.”
Diin ni Lacson, ang mga “allocables” ay nasa National Expenditure Program (NEP), at nagbibigay puwang para pondohan ang mga proyekto bago pa man sila matukoy.
“Bakit nauuna ang funding bago i-identify ang mga projects? Di ba dapat, projects muna saka hahanapan ng funding?” ayon sa mambabatas na nakilala bilang tagabantay ng kaban ng bayan, sa kanyang interpelasyon sa 2026 budget bill. “Hindi ba dapat may items na galing sa regional development council bago pondohan? Nauna ang pagpondo saka lang hahanapan ng items sa NEP.”

“Ngayon lang namin narinig ang allocable. Ang allocable is equivalent to pork barrel,” aniya sa panayam sa isang himpilan ng radyo.
Ayon sa paunang pagsusuri ni Lacson at ng staff niya, nakakuha ang House leadership ng P143.5 bilyon sa allocables. Maging ang mga party-list ay mayroon din, aniya.
Dagdag niya, may mga “non-legislators” ding nabigyan ng allocables — may isang opisyal sa executive department na nakakuha ng P8.3 bilyon.
Maging si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ay nakakuha rin umano ng allocables sa 2025 budget.
Nang tanungin kung DPWH lang ba ang ahensyang nakatanggap nito, sinabi ni Lacson na may iba pang mga ahensyang “outside the DPWH” na nakakuha rin.
Sa kabilang banda, sinabi niyang ang Development Budget Coordination Committee, sa pag-veto ng mga proyektong isasama sa NEP, ay kinailangang salain at bawasan pa ang mga request para lehitimo at planadong proyekto mula sa regional development councils, na umabot sa P10 trilyon para sa 2026.
“We’re talking of the NEP, the first step bago ma-transmit ang president’s budget. Hindi pa transmit sa Kongreso, nandoon na insertions,” ani Lacson.
“Ang 2025, ito ang sagad to the bones. Ngayon ko lang nakita, ang tagal ko sa Senate ngayon lang ako nakakita from start to finish. Sa marathon, sa pagbaril umarangkada na hanggang sa finish line tumitira pa,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Lacson na dadalhin niya ito sa plenary upang makita ng economic managers at kapwa mambabatas kung gaano kalala ang korapsyon sa 2025 budget.
“Ngayon 2026 ang pinaguusapan pero ugali ko pag nag-interpollate ako para sa next year’s budget binabalik ko ng tatlong taon kasi nag-e-establish ako ng pattern. This time wala akong ma-establish na pattern kung ang idi-discuss ay 2025. Walang kahambing. Parang wala nang katulad,” aniya.
“Some people just don’t know when to stop. Ngayon may naglalabasan na anomalya may nababanggit na pangalan dapat ma-realize ng taga-gobyerno na lahat may katapusan. Sooner or later kung di sa susunod na taon, kung di after 3 years, pag ginawa mo yan habitually, eventually it will catch up with you,” dagdag niya.
Tiwala naman si Lacson na hindi na magiging bahagi ng 2026 budget ang “allocables,” na maaaring maging “the most transparent national budget.” Kasama rito ang pag-alis ng unprogrammed appropriations maliban sa foreign-assisted projects, aniya.
Samantala, nanawagan si Lacson sa publiko na panatilihin ang galit laban sa korapsyon sa likod ng mga kuwestiyonableng flood control projects, ngunit sabayan ito ng pasensya dahil dapat dumaan sa due process na hahantong sa lohikal na wakas — prosecution, conviction, at pagkakakulong — ng mga sangkot.
Sinabi niyang nakausap niya sina Ombudsman Jesus Crispin Remulla, Justice Secretary Fredderick Vida, at Prosecutor General Richard Fadullon, at nakita niya ang kanilang sinseridad na itaguyod ang prosesong ito hanggang dulo.
“Magtiyaga nang kaunti pero maging mapagbantay, huwag tayo bumitaw,” aniya.
