DI SAPAT NA BADYET NG DMW, KINUWESTIYON NI CAYETANO: ‘OFW Bumubuhay sa Ph’

Ni Ernie Reyes

Kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Miyerkules ang maliit na budget na inilaan sa Department of Migrant Workers (DMW) kahit na mahalaga ang papel ng ahensiya sa pagsuporta sa milyon-milyong Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sa deliberasyon ng Senado sa proposed 2026 budget ng DMW nitong November 19, sinabi ni Cayetano na dapat ipaliwanag ng gobyerno kung bakit ang ahensyang nagpoprotekta sa mga manggagawang nagdadala ng bilyong dolyar na remittance ay nakatatanggap lamang ng maliit na pondo kumpara sa ibang departamento.

Bilang dating Secretary of Foreign Affairs at siyang nagtaguyod ng bersyon ng House of Representatives sa paglikha ng ahensya noong siya pa ang Speaker, binigyang diin ni Cayteano na napatunayan ng DMW ang halaga nito sa pamamagitan ng pagbubukas ng bagong job markets, pakikipagkasundo sa mga bilateral agreements, at pagpapatakbo ng mga programa para sa proteksyon at upskilling ng OFWs.

Sa proposed allocation ng ahensya na P11 bilyon, sinabi ni Cayetano na maliit pa rin ito kung ikukumpara sa P2 trilyon na remittance ng OFWs noong 2024.

“The key word there is focus. The reason we put the DMW, at least my personal reason, is iba y’ung nakatutok talaga [sa mga OFWs] and it’s just too big. Almost 10 percent ng ating GDP (Gross Domestic Product) ay galing sa OFWs,” wika ni Cayetano.

“Noong naghihirap tayo, pera nila [ang] inaasahan natin. Hanggang ngayon, they still are a big part of our GDP. Tapos ‘pag ibabalik [ang pera] sa kanila, titipirin natin,” dagdag niya.

Hiningi rin ni Cayetano na mas maglaan ang ahensya ng pondo sa research at mga programa na makakatulong sa OFWs na ma-upgrade ang kanilang skills at makakuha ng mas magagandang trabaho.

“Two sides kasi ‘yan. Finding new markets na apples-to-apples with present skill level ngayon. That’s one reason you’re focusing on new markets, but there’s a second part… paano talaga y’ung upskilling ng mga empleyado, nung labor,” paliwanag niya.

Bilang matagal na tagapagtanggol ng kapakanan ng mga Pilipino sa abroad, binigyang diin din niya na dapat nakabase sa solid data ang mga programa.

“If OFWs contribute that much to us I think in every aspect of their daily life, we should have a research about that, even the social cost,” sabi niya.

Pinaalala rin niya na kahit patuloy na lumalaki ang gawain ng DMW tulad ng pagbubukas ng bagong markets at pagtugon sa pang-araw-araw na isyu ng OFWs, maliit pa rin ang pondo nito kumpara sa mandato ng ahensya.

Binanggit niya ang kamakailang pag-alis ng bilyong pisong pondo mula sa DPWH na sana ay makakatulong sa OFWs.

“If there’s somewhere good to put it, it’s in the DMW. Pero hindi namin mailalagay unless mag-propose kayo [ng mga programa,]” pahayag niya sa ahensya.

Sinabi rin ni Cayetano na habang sinusuportahan niya ang budget ng DMW, dapat ipakita ng ahensya na direktang tumutugon ang kanilang mga programa sa pangangailangan ng OFWs.

“OFWs give so much to the country. Bakit maliit ang budget ng DMW kumpara sa laki ng kontribusyon nila?” sabi ni Cayetano.

“Ang labanan dito is how you can hit the nail on the head, y’ung mga programang kailangan talaga ng OFW,” dagdag niya.