Bam kay Zaldy Co: BALIK PINAS SAKA PANUMPAAN ALEGASYON SA P100B INSERTIONS: ‘Wag duwag’

ni Ernie Reyes

Nanawagan si Senador Bam Aquino kay dating Rep. Zaldy Co na bumalik sa Pilipinas at pormal na panumpaan ang kanyang mga alegasyon, kasabay ng paghimok sa kanya na isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa maanomalyang flood control projects at kontrobersyal na budget insertions.

“I echo iyong sinasabi ng simbahan at ng maraming grupo na he should come home,” ani Aquino, na tumutukoy kay Co, na kamakailan ay nag-post ng tatlong video kung saan pinangalanan niya sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez na siyang tumanggap ng kickbacks mula sa P100-billion insertions sa 2025 budget.

“Come home, face the DOJ (Department of Justice), face the ICI (Independent Commission for Infrastructure), face the Blue Ribbon, be under oath, and tell all, basically,” dagdag pa niya.

Muling iginiit ni Aquino na dapat managot ang lahat ng sangkot sa maanomalyang flood control projects, dapat mabawi ang ninakaw na pondo, at dapat magpatupad ng mga sistemikong reporma upang hindi na maulit ang ganitong katiwalian sa hinaharap.

“Sino ba talaga yung sangkot? Dapat ikulong sila. And hopefully, sooner than later, iyong pera, hindi pwedeng wala lang. That’s over a trillion, or about a trillion pesos, over the last couple of years na nawala. Kailangan may serious attempt to get back that money,” diin ng Senador.

“And of course, baguhin ang sistema. Huwag tayong pumayag na after one year, ganto na naman tayo, na masisingitan na naman tayo ng kung sino-sino,” dagdag pa niya.

Isinusulong din ni Aquino ang pagsasabatas ng kanyang Senate Bill No. 1506, ang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, upang masiguro ang transparency sa paggamit ng pondo ng bayan.

“We really have to change the system. Pass the CADENA, have a better budget, and get people more interested in where their money goes,” ani Aquino.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1506, kilala rin bilang Blockchain the Budget Act, lahat ng ahensya ng gobyerno ay inaatasang i-upload mga dokumento na may kaugnayan sa budget—kabilang ang mga kontrata, gastos sa proyekto, bills of materials, at procurement details—sa isang Digital Budget Platform, upang maging transparent at accessible sa publiko.

Kung maipapasa bilang batas, sinabi ni Aquino na ang mga opisyal ng gobyerno na hindi maglalathala ng mga dokumento o sadyang mag-upload ng maling impormasyon ay haharap sa administrative at criminal penalties sa ilalim ng CADENA Act.

“Lalagyan po natin ng pangil ang CADENA Act. Kung may mga dokumento na hindi po na-publish ng ahensya sa kanilang website o sa CADENA platform sa loob ng pitong araw, mayroon pong administrative penalty. At kung pagkatapos ng tatlumpung araw hindi pa rin naisasapubliko ang kontrata, bill of materials, o kahit ano mang minandatong dokumento ng batas, magiging criminal offense po ito,” sabi ni Aquino sa kanyang sponsorship speech para sa Senate Bill No. 1506.

“Makukulong ang isang indibidwal na nag-upload ng false or misleading budget-related information. At ang probisyon na ito, na penalty, ay para panigurado na hindi po garbage in, garbage out ang mangyayari sa CADENA. Ibig sabihin po, wala pong takas dito,” dagdag pa niya.