MAHIGIT TATLONG BUWAN SA EVACUATION CENTER: NANANAWAGAN NG LIGTAS NA PAGLILIPATAN
Ni STF Erlinda Tinitigan
STA. CRUZ, LAGUNA – Sa loob ng mahigit tatlong buwan, nananatiling nakalubog sa baha ang mga tahanan sa Brgy. Umboy Wawa, habang ang mga pamilyang naninirahan sa evacuation center ay patuloy na nakikipaglaban sa hirap at kawalan ng katiyakan. Ang kanilang sitwasyon ay lalong sumahol dahil sa pagragasa ng isang bagyo noong nakaraang weekend.
Ayon kay Mang Lauro, isang residente ng barangay, parang walang katapusan ang kanilang paghihirap. Mula noong unang bumaha, hindi na umano ito tuluyang humupa sa kanilang lugar. Ang evacuation center na kanilang kinagisnan ay puno ng mga pamilyang nagsisiksan, mga batang naglalaro sa tabi ng mga nakakalat na gamit, at hanging puno ng amoy ng pamamasa at pangamba.
Dahil sa patuloy na pagbaha, nawalan ng kabuhayan ang karamihan sa mga residente. Ang pangingisda at pagsasaka na dating ikinabubuhay ay hindi na maaasahan. Walang makapasok sa mga palaisdaan at sakahan, at walang mapagkakakitaan. Umaasa na lamang sila sa mga donasyon ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan mula sa lokal na pamahalaan at pribadong grupo.
Nakikiusap ang mga residente kay Mayor na bigyan sila ng bagong lugar na matitirhan na malayo sa ilog at ligtas sa pagbaha. Ayon kay Mang Lauro, takot na silang bumalik sa kanilang dating tirahan at nangangamba para sa kanilang kaligtasan at kinabukasan.
Ang pagdating ng bagyo noong nakaraang weekend ay nagpalala sa kalagayan ng mga residente. Muling umakyat ang tubig-baha at pinawi ang anumang pag-asa na makabalik sa kanilang mga tahanan sa malapit na hinaharap. Nagdulot ito ng karagdagang pangamba sa kalusugan at kagalingan ng mga nasa evacuation center.
Sa kabuuan, habang nananatiling lubog sa tubig ang Brgy. Umboy Wawa, patuloy na lumulubha ang krisis na kinahaharap ng mga residente. Ang kanilang panawagan ay hindi na lamang para sa pansamantalang tulong kundi para sa isang pangmatagalan at ligtas na solusyon na magbibigay sa kanila ng bagong pag-asa at pagkakataong magsimula muli.
