PASIG AT CAINTA, NAGKAISA PARA SA MAS MAGINHAWANG BIYAHE NG MGA COMMUTER

ni Buboi Patriarca

Isang malaking ginhawa para sa mga araw-araw na commuter ang hatid ng bagong kasunduan sa pagitan ng Lungsod ng Pasig at Lungsod ng Cainta, matapos lagdaan nina Pasig City Mayor Vico Sotto at Cainta Mayor Johnielle “Kit” Nieto ang isang Memorandum of Agreement (MOA) noong Nobyembre 6.

Sa ilalim ng kasunduan, pinapayagan na ang mga tricycle mula sa magkabilang lungsod na maghatid ng pasahero sa kabilang panig nang walang bayad sa “passing-through fee.”

Tinanggal na rin ang dating border restriction na matagal nang problema ng mga tricycle driver at pasahero. Gayunman, mananatili pa ring bawal magsakay ng bagong pasahero sa kabilang lungsod upang mapanatili ang kaayusan at patas na operasyon ng mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Associations (TODA) sa magkabilang panig.

Ayon kina Mayor Sotto at Mayor Nieto, malaking tulong ito sa mga commuter na araw-araw bumabyahe sa pagitan ng Pasig at Cainta, dahil hindi na nila kailangang bumaba sa hangganan para lumipat sa ibang tricycle.

“Layunin natin na gawing mas magaan at maginhawa ang biyahe ng ating mga kababayan, lalo na ‘yung nagtatrabaho at nag-aaral sa magkabilang lungsod,” pahayag ni Mayor Sotto.

Idinagdag naman ni Mayor Nieto na ito ay patunay ng magandang koordinasyon at pagkakaisa ng dalawang lokal na pamahalaan.

“Kapag nagtutulungan ang mga LGU, mas nagiging mabilis ang serbisyo sa tao. Ito ay para sa mga commuter, hindi sa pulitika,” ani Nieto.

Ang naturang kasunduan ay bahagi ng patuloy na inter-LGU cooperation sa Metro Manila at Rizal upang mapabuti ang transportasyon, disiplina sa lansangan, at kaligtasan ng mga pasahero.