Military-backed ‘reset junta’, tinabla ni Lacson: ‘Labag sa 1987 Consti’

Ni Ernie Reyes

Bagama’t dapat magpatuloy ang galit ng publiko sa katiwalian sa likod ng maanomalyang flood control projects, hindi dapat ito humantong sa paglabag sa Konstitusyon, giit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Linggo.

Ani Lacson, ang mga panukala tulad ng tinatawag na “transition council” at umano’y military-backed “reset” ay pawang labag sa Konstitusyon, kung kaya’t ang mensahe niya sa mga nagtutulak nito ay “Dream on.”

“Huwag naman sana mangyari kasi walang magandang maidudulot,” sinabi ni Lacson sa panayam sa isang himpilan ng radyo, matapos niyang ipanawagan noong Sabado na dapat manatiling galit ngunit hindi marahas ang publiko.

“Maraming malikot ang isip. Kasi pag may ganitong crisis, lalo pa ngayong napakatalamak ng katiwalian, minsan ‘di mo masisi ang iba mag-isip ng kung anu-ano. Extra-legal, unconstitutional ang naiisip nila—siguro dala ng passion na baguhin ang sistema dahil nakitang systemic ang corruption,” dagdag niya.

Nang tinanong kung may narinig siyang pag-udyok sa militar, binanggit ni Lacson na nakatanggap siya ng mensahe mula sa retiradong taga-militar nguni’t hindi niya sila pinatulan.

“Sa akin may nag-udyok (at) gusto civil-military junta. May mga nagme-message retired military hindi ko ibabanggit ang pangalan, dine-dedma ko nga. Meron pang offer maging part ako ng junta, ng council. Kaya dine-dedma ko,” aniya.

Sa pagtutol sa “unconstitutional” na pagpalit ng liderato, binigyang-diin ni Lacson na sa ilalim ng 1987 Constitution, ang linya ng succession ay nagtatapos sa House Speaker. Ito ang dahilan kung bakit niya inihain ang kanyang “Designated Survivor” bill upang palawigin ang succession line at isama ang pinakamatandang miyembro ng Senado at Kamara.

Tinukoy din ni Lacson na ang pamunuan ng Simbahang Katolika ay tutol sa karahasan, batay sa isang pag-uusap niya kamakailan kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines president Cardinal Pablo Virgilio David.

“Maganda ang usapan namin kasi para sa ikabubuti ng bansa, hindi sa ikagugulo. Natuwa ako na ang Catholic Church, ang panawagan habulin ang corrupt, huwag magnasa ng kaguluhan o karahasan. Kasi pag nauwi sa violence, anong idudulot na maganda sa bansa natin?” aniya.

Binanggit din ni Lacson na may mga positibong hakbang na ginagawa ang gobyerno kamakailan, kabilang ang pag-isyu ng arrest warrants laban kay dating Rep. Elizaldy Co at ilang iba pa.

Sa Senado, sinabi niyang halos nagkakaisa ang majority at minority blocs sa pagtutulak ng mga reporma sa budget process upang matiyak na ang 2026 budget ay magiging transparent at walang bahid ng korapsyon—at upang hindi na maulit ang nangyaring katiwalian mula 2023 hanggang 2025.

Tinawag ni Lacson na ang 2025 budget ang “pinakamasama” na kanyang nakita, dahil ang mga nasa likod ng mga katakot-takot na pagsingit — kabilang ang pag-divert ng P50 bilyon mula sa unprogrammed funds noong 2024, na P30 bilyon dito ay napunta sa flood control projects — ay naging sobrang gahaman at patuloy na nagtangka hanggang sumabog ang isyu.

“Halos magkaisa kami, majority and minority, parang isa na lang ang direction na gusto namin na tahakin: gawing transparent ang budget para hindi na maulit ang 2023-2025 budgets,” aniya.

Samantala, muling iginiit ni Lacson na ang Blue Ribbon Committee, na siya ring namumuno, ay makikipagtulungan sa gobyerno sa paghahabol sa mga nasa likod ng iregular na flood control projects sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kopya ng mga natuklasan ng komite.

“Sa aspeto ng investigation, puwede kaming magpadala ng kopya kahit wala pang Committee Report. Formality lang ang report. Hindi lang ito para sa legislation; puwede rin naming i-copy furnish ang DOJ at Ombudsman para magamit nila ang testimonies mula sa pagdinig,” paliwanag niya.