P62.6-B inilaan sa zero balance billing, 18M pasyente makikinabang – Gatchalian
Ni Ernie Reyes
Humigit-kumulang 18 milyong Pilipino ang inaasahang bilang ng pasyente ang makikinabang sa P62.6 bilyong pondong inilaan ng Senado para sa zero balance billing sa lahat ng pampublikong pagamutan.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Win Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, na bahagi ito ng isinusulong ng Senado na magbigay ng libreng pagpapagamot sa lahat ng ospital ng Department of Health (DOH) sa susunod na taon.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na P53.3 bilyon ang iminungkahing pondo sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa Zero Balance Billing (ZBB) program sa susunod na taon.

Tinatayang 16 milyong mga pasyente ang matutulungan gamit ang naturang halaga.
Ang magandang balita, nagdagdag ang Komite ng P9.3 bilyon sa operating funds ng mga DOH hospitals upang matulungan ang dagdag 2 milyon pang mga pasyente.
Sa ilalim ng ZBB, sagot na ng pamahalaan ang lahat ng gastos ng mga pasyenteng ia-admit sa mga basic o ward accommodations ng mga DOH hospitals.
Saklaw ng naturang programa ang mga room charges, lab tests, professional fees, at iba pang mga gastusin anuman ang socioeconomic status ng pasyente.
“Ang dinagdagang pondo ng Zero Balance Billing Program ay para sa mas malusog at mas ligtas na mga komunidad. Isa ito sa mga pagbabagong direktang mararamdaman ng ating mga kababayan,” ani Gatchalian.
Naglaan din ang Senado ng dagdag P1 bilyon para sa ZBB sa mga sumusunod na speciality hospitals: Lung Center of the Philippines, Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute, at Philippine Children’s Medical Center.
