Reporma sa kagalingan ng preso, isinusulong ni Sotto
Ni Ernie Reyes
Nanindigan si Senate President Vicente C. Sotto III sa deliberasyon ng budget ng Department of Justice (DOJ) at Bureau of Corrections (BuCor), na dapat nang magpatupad ng reporma sa kalagayan at kagalingan ng preso o Persons Deprived of Liberty (PDL).
Sa kanyang interpelasyon, sinabi ni Sotto na kailangan nang tugunan ang siksikan ng pasilidad ng PDL kabilang ang kakulangan sa serbisyong pangkalusugan, limitadong oportunidad sa kabuhayan, at mga programang tutugon sa kanilang pagsasailalim sa parole.
Ipinunto ni Sotto na ang kapasidad ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa ay 5,678 lamang ngunit kasalukuyang nasa 21,996 na PDLs ang nasa loob nito. Samantala, ang Correctional Institute for Women na may ideal capacity na 1,280 ay kasalukuyang may 2,940 na PDLs.

Tugon naman ni DOJ budget sponsor Sen. Sherwin Gatchalian: “Pinaplano nilang regional prisons para hindi po lahat naka-concentrate, they’re thinking of building regional prison facilities.”
Dagdag ni Sotto: “Kaya natin gusto ‘yan, alisin na rin natin ang Muntinlupa. Gawin nating regional o Luzon, Visayas and Mindanao because of a study that I have got, kapag hindi na dinadalaw ng pamilya niya, doon na naguumpisa mag-loko, sumama sa gang.”
Iniulat naman ni Gatchalian na tumaas ang daily medical allowance ng mga PDL mula P15 na ngayo’y P20.
Idinagdag pa niya: “I was advised by General [Gregorio Pio] Catapang [Jr.] na covered ang PDLs ng PhilHealth.”
Naitanong naman ni Sotto kung maaari ring i-coordinate ang mga PDL sa Department of Health (DOH) para magkaroon sila ng access sa Medical Assistance to Indigent Patients (MAIP) o sa Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
Binigyang-pansin pa ni Sotto ang ilang livelihood initiatives para sa mga PDL, kabilang ang exhibit ng kanilang artworks sa EVIA Mall na pagmamay-ari ni dating Senate President Manny Villar, at ang yearlong jail ministry ng Letran Calamba.
Sa nakikitang potensyal nito bilang pagkukunan ng kita, tinanong ni Sotto: “What are your programs and plans for the livelihood of the PDLs to help them support their families kahit sila ay nakakulong at hindi nagtatraffic ng droga?”
Ani Gatchalian, ang kita mula sa mga livelihood programs ay direktang napupunta sa PDLs, “Ang BuCor, [they] encourage them to come up with ganitong mga livelihood na ito kasi they earn from it.”
Dagdag pa niya na ang mga skills training at livelihood programs kasama ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay nagbibigay-daan para makapagsimula ng maliit na negosyo o magkaroon ng kasanayang magagamit pagdating ng parole.
Mayroon ding reintegration programs at kaukulang budget ang BuCor para sa Persons Restored of Liberty (PRL), gayunpaman, nilinaw ni Sotto: “Although reintegration is not within the mandate of the BuCor, reformation is.”
Paliwanag ni Gatchalian, may mga programa ang ahensya upang matiyak ang kahandaan ng mga PRL: “May orientation program sila, may reintegration program sila, kasama po doon ‘yung tinitignan ‘yung pangangatawan ng tao kung ayos at may proseso kung handa na bumalik sa lipunan na maging produktibong mamamayan ng ating bansa.”
