Galit vs Corruption, PATINDIHIN PA KAHIT MAY MAKUKULONG NA  – Lacson

0

Ni Ernie Reyes

Ang paglabas ng mga arrest warrant laban kina dating Rep. Elizaldy Co at ilang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects ay nagpapakita na seryoso ang gobyerno sa pagtugon sa isyu.

Sa pahayag, sinabi ni Senate President Pro-Tempore Panfilo Lacson na hindi dapat manatiling galit ang publiko nang hindi nagiging marahas upang masiguro na magtutuloy-tuloy ang mga hakbang na ito.

Diin ni Lacson, hindi maaaring magpakampante ang mga awtoridad—lalo na ang Malacañang, Office of the Ombudsman, at Department of Justice—dahil maaaring tumapang ang loob ng mga sangkot at subukang ulitin ang kanilang ginawa kung makalusot sila ngayon.

“Ayokong humupa ang galit, huwag lang magulo. Kung humupa, baka mag-slacken ang effort ng authorities, particularly ng Malacañang, Ombudsman at DOJ. Lahat ngayon kumikilos because of the pressure ng mga kababayan natin… Pero ‘wag maging violent tulad ng Sept. 21 protest na sinisira ang traffic lights,” aniya sa isang panayam sa isang himpilan ng radyo.

“No matter how many, no matter how long it takes, get to the bottom at makuha ang logical conclusion. Ipakulong lahat na dapat pakulong,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Lacson na ang mga aksyon ng Ombudsman at ng pambansang gobyerno nitong nakaraang Biyernes ay nagpapatunay na kumikilos ang mga ito, sapat para mapakain ng salita ang ilang partisanong kritiko na nagsasabing hindi kayang galawin si Co.

Tinukoy pa niya ang ulat na nakita si Co sa Japan, na maaaring indikasyon na minomonitor ng Interpol ang kanyang galaw at maaari siyang arestuhin kapag natanggap na nila ang kopya ng arrest warrant—at pagkatapos ay maibabalik siya sa Pilipinas.

“Sasakay at sasakay yan sa eroplano, dadaan at dadaan yan sa immigration. So tina-track na siya. Kung saan siya magpunta ibabahagi. Hindi lang siya pwede arestuhin dahil wala pa sa red notice list kasi wala pang arrest warrant. Pero sa ngayon dahil kung patuloy ang pag-track di siya mawawala sa radar ng Interpol kasi international body yan, may coordination yan,” aniya.

Dagdag pa ni Lacson, kung maaresto at maibalik sa bansa si Co, posibleng mailahad siya sa Blue Ribbon Committee. Gayunman, kapag umabot na sa Sandiganbayan ang kaso ni Co, dapat mag-ingat ang komite upang hindi malabag ang sub judice rule, o ang pagbabawal na talakayin ang merito ng kasong nasa korte.

Logical Conclusion

Ani Lacson, mahalagang hindi madaliin ang mga aksyon laban sa mga sangkot, basta’t humahantong ang mga ito sa “logical conclusion” o ang kanilang pagsasakdal, pagkakakulong, at pagpaparusa.

Tinukoy niya ang kaso nina dating undersecretaries Adrian Bersamin at Trygve Olaivar, na ayon kay dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo ay nagpasok ng P100 bilyon sa panukalang budget para sa 2025 nang hindi alam ni Pangulong Marcos—dahil nakalusot daw sila noong nakaraang taon.

Ayon kay Lacson, noong 2024 ay nagawa ng ilang opisyal na sangkot na idivert ang P50 bilyon mula sa unprogrammed appropriations sa 2024 budget para sa iba’t ibang proyekto sa imprastruktura—kabilang ang P30 bilyon para sa flood control projects lamang.

“Ang nagpa-release noon DBM, tapos possibly naka-coordinate ‘yan sa Office of the Executive Secretary,” aniya. “Ang alam ko lang, lumulusot kasi sila kaya sa 2025 malakas uli loob nila.”

Ang listahan ng mga proyektong popondohan ay ginawa umano ni dating Undersecretary Ma. Catalina Cabral at tinalakay kay dating Secretary Bonoan at dating Undersecretary Bernardo.

Samantala, sinabi ni Lacson na maaaring umabot sa 2,000 o higit pa ang bilang ng mga personalidad na posibleng masangkot, dahil ang 1,200 na unang estimate ng Independent Commission for Infrastructure Commissioner Rogelio Singson ay batay lamang sa 420 “ghost projects” sa 8,000 na unang ininspeksiyon. Sa huling pagdinig ng Blue Ribbon Committee, sinabi niyang umakyat na sa humigit-kumulang 472 ang bilang ng mga pinaghihinalaang ghost projects.

“Napakalawak kaya ‘di lang 1,200 ‘yan. Baka umabot ng 2,000 mahigit,” ani Lacson.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *