ARTA, Ombudsman, kinalampag sa kampanya vs red tape

0

Ni Ernie Reyes

Hinikayat ni Senador Win Gatchalian ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) at ang Office of the Ombudsman na paigtingin ang kanilang pagtugis sa red tape sa burukrasya lalo na sa mga lokal na pamahalaan kung saan kadalasang nagsisimula ang mga delay.

“Ang negosyo ay nag-uumpisa sa business permit ng local government, fire permit. Pero ang nagiging problema ngayon ay ang mga LGU dahil bumaba na sa mga LGU ang red tape. Kaya dapat tingnan ng ARTA at Ombudsman ang mga proseso sa lokal na antas,” sabi ni Gatchalian sa plenary deliberations sa panukalang 2026 budget ng ARTA.

“Ang red tape ang isyung nagtataboy sa mga investor na pumasok sa bansa, at pumapatay sa ating mga umiiral na industriya at negosyo. Alam naman natin na ang red tape at korapsyon ay magkapatid,” dagdag pa niya.

Kamakailan ay lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang Ombudsman at ARTA upang palakasin ang kanilang pagtutulungan laban sa red tape at sa pagsasampa ng mga kaugnay na kaso. 

“Inaasahan natin na mas pagtutuunan nila ng pansin hindi lang ang korapsyon kundi pati ang red tape dahil ang red tape ay pinagmumulan ng korapsyon. Kapag nadedelay ang mga papeles o dokumento, minsan wala nang choice ang mga negosyante kundi sumunod sa mga tiwaling opisyal,” sabi ni Gatchalian. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *