Pang-aabuso ng pulitiko sa paggamit ng DSWD ayuda programs, ipinatitigil ni Lacson

0

Ni Ernie Reyes

Matapos maabuso noong mga nagdaang “election years,” panahon na para palayain ang mga ayuda program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa maling paggamit nito ng mga pulitiko simula 2026, giit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Lunes.

Iginiit ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson na dapat hayaang ipatupad ng mga personnel ng DSWD ang mga ayuda program nang walang panghihimasok ng mga pulitiko upang hindi ito magamit para sa patronage politics.

Sa kanyang interpellation sa 2026 budget ng DSWD, pinuri rin ni Lacson ang Senate finance committee at subcommittee sa pagbaba sa zero ng pondo para sa Strengthening Assistance for Social Programs, na sana ay manggagaling sa unprogrammed appropriations.

“Dapat ayusin natin ang budget. I’m all for ayudas but dapat data-driven at may programa. Hindi whimsical, arbitrary and politically motivated,” ani Lacson.

“Nag-usap kami ni Sen. Gatchalian and we are in agreement it’s about time i-streamline natin. Kasi this is being abused,” dagdag niya.

Sa Senate version ng budget bill, ang DSWD ay may P221.357 bilyong pondo sa National Expenditure Program (NEP). Tumaas ito sa P239.940 bilyon sa House version, ngunit ibinaba ng Senado sa P230.016 bilyon.

Ibinaba rin ng Senado ang pondo ng ilang ayuda programs, kabilang ang:

* Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) – mula P27.036 bilyon sa NEP, umakyat sa P59.091 bilyon sa House version, pero ibinaba sa P27.028 bilyon sa Senate version.
* Strengthening Assistance for Social Programs – mula P80.8 bilyon sa NEP (unprogrammed), ibinaba sa P45 bilyon sa House version – at zero sa Senate version.

‘Pagtama sa Malpractices’

Binigyang-diin ni Lacson ang malalaking pagtaas ng AICS allotment tuwing election years, partikular noong 2022 at 2025. Tumaas ng 68.8 porsyento ang pondo—mula P23.56 bilyon noong 2021 tungo sa P39.76 bilyon noong 2022.

Gayundin, mula 2024 hanggang 2025, tumaas ang pondo ng humigit-kumulang 30 porsyento—mula P34.27 bilyon tungong P44.44 bilyon.

“The pattern I’m trying to show, pag election year lumolobo ang AICS,” aniya.

Kinuwestiyon din ni Lacson ang pagdaraos ng malalaking pagtitipon para sa distribusyon ng ayuda kung saan nandoon ang mga mambabatas—na nagiging political event at nagpapalakas ng patronage politics.

Sa ilang pagkakataon, aniya, pinipilit pa umano ang DSWD na magpakita ng malaking turnout sa ganitong mga pagtitipon tuwing election season.

“My point is, it’s time we put a stop to this practice and allow DSWD to do their own thing,” aniya.

Binanggit din ni Lacson ang insidente sa Iloilo City kung saan iniulat ng mga residente na karamihan ng kanilang P10,000 DSWD cash aid ay kinuha ng mga indibidwal na konektado sa personnel ng barangay at city hall matapos ang payout.

Sa ilan pang kaso, wala raw magawa ang mga residente dahil baka hindi sila maisama sa susunod na distribusyon.

“I’m not trying to lecture here but these are all relevant information we are sharing with the body para ma-correct natin at maremedyuhan natin ang malpractices,” ani Lacson.  

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *