Paggamit ng AI ng publiko, hihigpitan ng Senado – Gatchalian

0

Ni Ernie Reyes

Inihayag ni Senador Win Gatchalian na pinag-aaralan ng Senado ang paghahain ng isang  panukalang batas na maghihigpit sa paggamit ng artificial intelligence (AI) sa bansa.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian sa ginanap na deliberasyon ng budget ng Department of Information and Communication Technology (DICT) nitong Martes na dapat nang higpitan ang paggamit ng AI sanhi ng lawak ng posibleng pinsalang maidudulot nito kung gagamitin sa masamang layunin.

“Kailangang magkaroon ng regulasyon sa paggamit ng AI. Kung gagawa ka ng videos at mga larawan gamit ang AI, dapat may accountability at kailangang i-disclose na gumamit ng AI dahil sa panahon ngayon na patuloy na umuunlad ang teknolohiya, napakahirap nang ma-detect kung AI o hindi,” ani Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Finance na nakaraang budget deliberations para sa panukalang pondo ng Department of Information Communications and Technology.

Aniya, ang lumalawak na paggamit ng AI technology ay maaaring magpalala ng disinformation at magdulot ng mas malalim na hidwaan sa lipunan, pati na ng pagkawala ng tiwala ng publiko.

“Napakadelikado nito lalo na’t ngayon na kahit na sino ay pwede nang maging AI artist. Kailangan nating pag-aralang mabuti at seryosohin ang teknolohiyang ito,” pagbibigay diin niya.

Sinabi ni Gatchalian na aktibong kumikilos ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa pag-takedown ng mga deepfake AI clips. Gayunpaman, ayon sa senador, mahalaga pa rin ang matatag at angkop na batas upang ma-regulate ang paggamit ng AI sa bansa. 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *