P1.3T EDUCATION BUDGET, Aprub sa Senado, ikinatuwa ni Bam: ‘Classroom backlog, solve na’
Ni Ernie Reyes
Ikinatuwa ni Senator Bam Aquino ang P1.38 trilyong pondo para sa edukasyon sa 2026 – ang pinakamalaki sa kasaysayan ng Pilipinas – na tinawag niyang isang tunay na education budget na makakatulong upang matugunan ang napakalaking kakulangan sa silid-aralan at mapalakas ang nutrisyon ng mga mag-aaral.
“Let me say that the work that the committee has put in the budget is really exemplary. Sa totoo lang po, matatawag talagang education budget itong budget natin.” wika ni Aquino sa plenary deliberations para sa budget ng Department of Education (DepEd).

“Ngayon lang tayo sa 4 to 6 percent na prescribed ng United Nations. Ibig sabihin po noon, nasa tamang paggastos tayo pagdating sa edukasyon,” dagdag niya, na tumutukoy sa rekomendasyon ng UN na itaas ang budget para sa edukasyon sa 4 hanggang 6 na porsyento ng gross domestic product (GDP) ng bansa.
Sinabi ni Aquino na naglaan ang Senado ng karagdagang P70 bilyon sa bersiyon nito ng 2026 national budget, na tinaas ang pondo para sa pagtatayo ng silid-aralan mula P13.2 bilyon sa National Expenditure Program (NEP) tungo sa P65.9 bilyon, o P52.7-bilyong pagtaas.
Para sa nutrisyon ng mga mag-aaral, itinaas ng Senado ang pondo ng school-based feeding program mula P11.7 bilyon tungong P28.6 bilyon, o P16.9-bilyong pagtaas.
“That’s really a huge amount. Ang ibig sabihin lang po niyan, seryoso talaga tayo sa pagtugon sa problemang ito,” sinabi ni Aquino, na tumutukoy sa backlog na 165,000 silid-aralan na maaaring umabot sa higit 200,000 sa loob ng tatlong taon kung hindi agad aaksyunan.
“Ito po’y dahil may mga condemned classrooms tayo, and every year that passes, there are more classrooms that are condemned because we have a rule that at 50 years, classrooms are condemned,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Aquino, chairperson ng Senate Committee on Basic Education, na lumalala ang pagkasira ng mga silid-aralan dahil sa lindol, bagyo, at iba pang natural na kalamidad, bukod pa sa patuloy na pagdami ng mga estudyanteng pumapasok sa pampublikong paaralan bawat taon.
“Every year, meron din tayong dagdag na mga estudyante na pumapasok sa ating mga eskuwelahan. Para tayong may timba na pinupunuan natin pero may butas iyong timba kaya iyong pakiramdam, hindi natin mapunuan itong problemang ito,” aniya.
Binigyang-diin niya na ang bersiyon ng Senado ng budget ay nagtataguyod ng isang matibay na solusyon sa backlog, na nangangailangan ng humigit-kumulang P540 bilyon upang tuluyang maresolba.
“I’m happy that for this year, we’re starting out with P65.9 billion. If in the next few years ganito kalaki at mas malaki pa iyong popondohan natin, kaya natin itong ma-address. And we put six years as a target,” sabi niya.
Ipapatupad ang budget sa pamamagitan ng iba’t ibang modalities, kabilang ang nasa ilalim ng Classroom-Building Acceleration Program (CAP) Act ni Aquino, na nagbibigay-daan sa DepEd na makipagtulungan sa mga local government units at civil society organizations sa pagtatayo ng silid-aralan, pag-upa ng mga silid-aralan, at Public-Private Partnerships (PPP).
“Since this is the first year of our renewed push for classrooms, we can check every year which modality actually works the best. As the years go on, pinopondohan po natin iyong successful,” sinabi ni Aquino.
Hinimok din niya si DepEd Secretary Sonny Angara na magtakda ng price cap para sa pagtatayo ng silid-aralan, kabilang ang mga ginagawa ng Department of Public Works and Highways at ng mga PPP implementers.
“At the price of less than P2 million, we go from 23,000 to 32,000 (classrooms). If we’re able to address the disparity, mas marami rin tayong magagawa,” aniya.
Pagdating naman sa nutrisyon ng mga mag-aaral, sinabi ni Aquino na ang mas mataas na pondo ay magpapalawak sa school-based feeding program mula 120 hanggang 200 feeding days.
“Lahat ng Kinder, lahat ng Grade 1, mayroon tayong pagkain para sa kanila for 200 days,” aniya, binanggit na makikinabang dito ang humigit-kumulang 3.5 milyong estudyante. Para sa Grade 2 hanggang Grade 6, ang programa ay itutuon sa wasted at severely wasted learners.
“Ito pong budget na ito, ito po ang simula. Hopefully, it can be a fresh start for our educational system. Basta pinagtutulungan natin para sa ating kabataan, I’m sure maaabot po natin iyong pangarap natin para sa kanila,” diin ni Aquino.
