P8.6B idinagdag sa badyet ng SUCs para sa infrastructure project
Ni Ernie Reyes
Tiniyak ni Senador Win Gatchalian na makikinabang ang lahat State Universities and Colleges (SUCs) sa panukalang P8.6 bilyong dagdag na pondo sa susunod na taon para sa pagpapatayo at pagpapaganda ng kanilang imprastraktura.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na layunin ng dagdag na pondo na magpapalawak nang malaki sa kanilang kapasidad na tumanggap ng mas maraming kuwalipikadong estudyante.
Nauna nang sinabi ni Gatchalian na dahil sa kakulangan sa kapasidad ng mga SUC, hindi natanggap ang hindi bababa sa 168,493 bilang ng mga estudyante kahit kwalipikado naman sila.

Sinuri ng opisina ng senador ang datos mula sa 62 sa 115 na SUCs at natuklasang 32 o 52 porsyento sa mga ito ang lumampas na sa kanilang kapasidad. Labing-isa naman o 18 porsyento sa mga SUCs na ito ang umabot na sa 100% ng kanilang kapasidad.
“Sa ilalim ng naturang pondo, mas bibilis ang pagtatayo ng mga silid-aralan at iba pang mga pasilidad upang mas marami pang kabataang Pilipino ang mabigyan ng pagkakataong makapasok sa kolehiyo,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Finance.
“Layunin nating palawakin hindi lang ang mga gusali, kundi pati ang mga pangarap ng bawat estudyanteng nagnanais magkaroon ng mas magandang kinabukasan,” dagdag na pahayag ng senador.
Sa isinagawang plenary session sa panukalang pondo ng mga SUCs sa 2026, hinimok ni Gatchalian ang mga ito na tutukan ang pagpapalawak sa kanilang kakayahang tumanggap ng mas marami pang mga mag-aaral, bagay na nangangailangan ng dagdag na mga classroom at mga pasilidad.
