PAGKAKAISA SA KAMARA, IBALIK ANG TIWALA NG PUBLIKO PARA SA TUNAY NA REPORMA, ITINUTULAK NI SPEAKER BOJIE DY III
ni Darwell Baldos
Habang nagsisimula na ang huling buwan ng taon at papalapit na ang Pasko, nanawagan si Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitonng Lunes para sa pagkakaisa ng mga mambabatas at empleyado ng Kapulungan ng mga Kinatawan upang makatulong na maibalik ang tiwala ng publiko at maipatupad ang mga matagal nang inaasam na reporma para sa mga Pilipino.
Sa kanyang talumpati sa flag-raising ceremony sa Batasan Complex, sinabi ni Dy na bagama’t patuloy na humaharap sa mga hamon ang Kamara, malalampasan ito kung magkakaisa ang mga miyembro at kawani nito.
“Ilang buwan pa lamang ang nakakalipas mula nang pagkatiwalaan tayo na pamunuan ang institusyong ito. Sa totoo lang, napakalaki ng hamon at suliraning ating nadatnan. Ngunit sa kabila ng lahat, hindi ako natinag, dahil alam kong hindi ako nag-iisa. Kasama ko kayo. Kasama ko ang tapang, talino, at puso ng bawat kinatawan at bawat kawani dito sa Kapulungan,” saad ni Dy.
Hinimok ng Speaker ang parehong mga mambabatas at kawani na manatiling nakatutok sa kapakanan ng taumbayan.

“Mga kasama, malinaw ang hamon sa ating lahat: Magkaisa. Magtulungan. Isantabi ang pansariling interes para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.”
Ayon kay Dy, panahon na para makatulong ang Kamara na magdala ng katatagan sa bansa, at upang magawa ito, dapat samantalahin ang pagkakataong harapin ang mga hamon sa bansa nang may linaw, tapang, at pagkakaisa.
“Kung may panahon mang hinihingi ang pagkakaisa, iyon ay ngayon na. Kung may pagkakataon mang dapat magpamalas tayo ng lakas ng loob at paninindigan, iyon ay ngayon na rin. Kung may puwang man para maging liwanag tayo sa gitna ng dilim ng kaguluhan, pagdududa, at maling impormasyon, ito na ang tamang panahon,” aniya.
Si Dy ay ang kauna-unang Speaker na nagmula sa lalawigan ng Isabela ay nagsabing ang mga pangmatagalang reporma ay nangangailangan ng pagpapakumbaba, kooperasyon, at pananalig, at makakamit lamang ito sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap at pagtitiwala sa Diyos.
“Kayang-kaya nating itayo ang isang Kongresong tapat, makatao, makabayan, at tunay na nagsisilbi. Kayang-kaya nating maging instrumento ng pagkakaisa at paghilom ng ating bayan,” pagpapatuloy niya.
Ayon kay Dy, magagawa ng pagkakaisa na isulong at ipatupad ng Kamara sa wakas ang mga matagal nang hinihintay na reporma para sa mga Pilipino.
“Dahil sa ating pagkakaisa, unti-unti nating maipaglalaban at maipapatupad ang mga pagbabagong matagal nang hinihintay ng ating mga kababayan,” giit niya.
Hinimok din niya ang buong institusyon na huwag magpadala sa mga “political noise” at maling impormasyon na maaaring makagambala sa kanilang mandato.
“Hinihikayat ko kayo: huwag nating hayaang maapektuhan tayo ng mga naririnig o nababasa sa social media. Kayang-kaya nating baguhin ang imahe ng institusyong ito sa pamamagitan ng tapat, masipag, at makabuluhang paglilingkod,” pagdidiin niya.
Binigyang-pugay ni Dy ang mga kawani ng Kamara bilang “haligi at lakas” ng institusyon at sinabing ang mga kasalukuyang reporma ay upang ibigay sa mga empleyado ang paggalang at dignidad na nararapat sa kanila.
“At para sa ating mga kawani—ang haligi at lakas ng Kongreso—hayaan ninyong sabihin ko ito mula sa aking puso: darating din ang araw na hindi ninyo na kailangan pang mag-alinlangan o mahiyang sabihing kayo ay empleyado ng Kamara,” ayon kay Dy.
Dagdag pa niya: “Hindi na magtatagal ang bawat isa sa inyo ay makakapaglakad nang taas-noo, dahil kabahagi kayo, at tayong lahat, sa pagbabagong ating sama-samang isinusulong. Hindi tayo titigil hanggang hindi natin maabot ang mataas na kalidad ng ating serbisyo at makapagbigay tayo ng dignidad sa ating institusyon.”
Habang papalapit ang Pasko, hinikayat ni Dy ang buong institusyon na maging pinagmumulan ng pag-asa at pagkakasundo.
“Ngayong papalapit ang Pasko, hinihikayat ko kayong lahat: Magpakatatag. Maging liwanag. Maging tulay ng pagkakasundo. Maging dahilan ng pag-asa,” aniya.
Hinimok ni Dy ang lahat ng miyembro at empleyado na harapin ang darating na taon nang may kumpiyansa, pagkakaisa, at bagong pagsusumikap sa trabaho ng institusyon.
“Dalangin ko po na patuloy ninyo kaming samahan at pagkatiwalaan lalo na sa pagtahak natin sa panibagong Kongreso. Salubungin natin ang liwanag ng taong 2026 na mas masaya, mas masigla, at puno ng pagbabago at pag-asa.”
