CHR, itinuring na ‘human rights emergency’ ang korapsyon; nanawagan para sa malawakang reporma

Ni Darwell Baldos

QUEZON CITY — Itinampok ng Komisyon sa Karapatang Pantao (CHR) ang tahasang banta ng korapsyon sa dignidad at karapatan ng mamamayan sa kanilang pambansang forum na may temang “Upholding Integrity: A National Forum on Corruption and Human Rights” noong Disyembre 9, 2025.

Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa mga ahensya ng pamahalaan, civil society, mambabatas, at mga kasosyo sa pag-unlad, alinsunod sa pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paglaban sa Korapsyon.

Sa kanyang pambungad na pananalita, binigyang-diin ni CHR Chairperson Richard Palpal-latoc na ang korapsyon ay isang direktang pag-atake sa sangkatauhan at kabiguan ng serbisyo publiko. “Kapag nawala o ninakaw ang pondo para sa mga ospital, paaralan, at ayuda, ang mga dukha at pinakabulnerable ang pinakamatinding nagdurusa. Pinapahina nito ang tiwala, pinalalalim ang hindi pagkakapantay-pantay, at pinanganib ang mismong sistemang dapat mangalaga sa karapatang pantao,” pahayag niya.

Samantala, hinimok naman ni Commissioner Beda A. Epres sa kanyang keynote address ang isang mas malalim na pagbabago sa laban kontra korapsyon, mula sa teknikal na pagsunod tungo sa isang kilusang nakasentro sa tao at nakabatay sa karapatan. “Ilipat natin ang labang ito mula sa anino ng mga bureaucratikong ulat patungo sa liwanag ng adbokasiya para sa karapatang pantao. Pagtibayin natin ang mga mamamayan, protektahan ang mga whistleblower, at patatagin ang mga institusyong itinatag para maglingkod, hindi para magkamal ng pera,” dagdag niya.

Tampok sa unang panel discussion si Rep. Percival Cendaña ng Akbayan Partylist, na iginiit ang pangangailangan ng isang komprehensibong batas kontra political dynasty bilang mekanismo para sa mabuting pamamahala. “Kung titingnan natin ang mga sangkot sa mga iskandalo ng korapsyon, sila ay bahagi o may matinding koneksyon sa political dynasty,” ayon sa mambabatas.

Binigyang-punto naman ng award-winning journalist na si Ma. Salvacion “Inday” Espina-Varona sa ikalawang panel ang kahalagahan ng Freedom of Information Bill, transparency sa SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth), at proteksyon para sa mga whistleblower. “Para tayong pupunta sa giyera na walang mapa kung wala tayong tamang impormasyon,” giit niya.

Nagtapos ang forum sa isang collaborative workshop na bumuo ng “Citizens’ Declaration Against Corruption,” isang manipesto na naglalaman ng panata ng pagiging vigilant, pagpapanatili ng transparency, at aktibong pakikilahok ng mamamayan. Kabilang sa deklarasyon ang panawagan sa publiko na bantayan ang budget at procurement, subaybayan ang implementasyon ng mga programa, at igiit ang pananagutan ng mga opisyal.

Ang mga kinalabasan ng forum at ng deklarasyon ay magiging batayan ng CHR sa kanilang patuloy na adbokasiya at pakikipag-ugnayan sa patakaran, na itinuturing na ang paglaban sa korapsyon ay isang imperatibo para sa karapatang pantao.