Construction workers protektado sa amendments ni Cayetano sa 2026 budget

Ni Ernie Reyes

Binigyan ng proteksiyon ni Senador Alan Peter Cayetano ang sinumang construction workers na magtatrabaho sa pampublikong proyekto sa inilatag ng amendments sa 2026 national budget sa ginanap na bicameral conference committee nitong Sabado.

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano na tuluyan ang pinagtibay ng bicam panel na hindi na mananatili sa entry-level jobs ang mga construction worker na nagtatrabaho sa mga pampublikong proyekto.

Aniya, dalawang amendments ang inaprubahan sa pinal na bersyon ng Senado ng 2026 national budget. 

Inadopt ng Senate Finance Committee sa Senate Committee Report (SCR) ng pambansang budget ang dalawang special provision ni Cayetano – isa sa ilalim ng budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at isa sa ilalim ng General Provisions.

Sa unang provision, inaatasan ang DPWH na makipagtulungan sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para magsagawa ng structured training, skills upgrading, at certification programs para sa lahat ng manggagawa ng infrastructure projects ng gobyerno, kabilang yaong mga private contractors ang nag-hire.

“Siguro hindi naman kalabisan na hingin na kapag ang 20 anyos na tagahalo ng semento, by the time he’s 30, 40, 50 years old, ay nakaangat-angat na siya,” pahayag ni Cayetano sa budget debates noong December 2.

Ang ikalawang amendment, na nakalagay sa General Provisions, ay nagtitiyak na anumang bagong teknolohiya o technical knowledge na ginamit sa mga foreign-assisted infrastructure projects ay maipapasa nang maayos sa gobyerno.

Layunin nitong masanay ang mga Pilipinong engineers at workers na patakbuhin, ayusin, at pagandahin ang mga proyektong ito sa hinaharap.

“For foreign-assisted projects… the implementing agencies shall ensure that technical 

knowledge… shall be systematically transferred to the government,” ayon sa amendment.

Bahagi ang dalawang amendment na ito ng mga “game-changing” reform proposal ni Cayetano bilang tugon sa malawakang korapsyon at paulit-ulit na mga problema ng bansa.

“‘Pag may crisis, may opportunity talaga… [Pero ang kailangan,] hindi lang ibalik ang pera, hindi lang ikulong ang korap. Kasama diyan y’ung tunay na pagbabago, transformation,” aniya.

“Dahil napaka-extraordinary ng circumstance, ng atmosphere, ng problema, dapat game-changer din y’ung budget,” dagdag pa niya.

*Mahahalagang proposals pero hindi tinanggap*

Samantala, bahagyang suporta lang ang nakuha sa panukala niyang P3 bilyon para sa mas malakas na multi-agency response laban sa child stunting. P150 milyon lang ang nadagdag sa supplemental feeding program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ay sa kabila ng datos na 27 porsyento ng mga batang Pilipinong wala pang limang taong gulang ay stunted o bansot, isang kondisyon na nagdudulot ng permanenteng pinsala sa pag-unlad ng katawan at utak.

Hindi rin tinanggap ng Finance Committee ang panukala ni Cayetano na maglaan ng regular na monthly allowance para sa barangay health workers sa pamamagitan ng TUPAD at AICS funds, sa kabila ng malaking papel nila sa paghahatid ng primary health care sa mga lokalidad.

Hindi rin isinama sa SCR ang panukalang gamitin ng DPWH ang Engineering and Administrative Overhead (EAO) funds nito para tustusan ang SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, at iba pang social protection benefits ng construction workers.

Tinanggihan din ang panukala niyang maglaan ng P10 bilyon para simulan na ang Mindanao Railway Project, isang proyektong makatutulong sana sa pag-decongest ng mga lungsod at mapaunlad ang mga lalawigan sa Mindanao.

Makailang beses binigyang diin ng senador sa mga budget debates na ang sobrang pagsisiksikan sa Metro Manila, Region 3, at Calabarzon ang isa sa mga pinag-uugatan ng maraming suliranin sa bansa.

“Thirty nine percent of our population nandiyan lang sa maliit na lugar na ‘yan… kahit anong gawa mo pa ng kalye d’yan, kahit anong flood control mo, if we continue doing this, hindi magbabago,” babala niya.

Nakatakdang talakayin ng bicameral conference committee ang SCR ngayong weekend upang pagtugmain ang magkaibang probisyon ng Senado at Kamara sa kani-kanilang bersyon ng 2026 General Appropriations Bill.