ISKOLAR NG ISU, NASA PAMBANSANG TOP 10 NG AGRICULTURAL ENGINEER BOARD EXAM
Ni Weng Torres
CAUAYAN CITY – Tagumpay na nakamit ng isang Isabeleño ang pambansang pagkilala sa pinakahuling Agricultural and Biosystems Engineer Licensure Examination (ABELE)
Nasa ika-sampung pwesto sa pambansang ranking si Christine Gatan Mateo, isang nagtapos ng Bachelor of Science in Agricultural and Biosystems Engineering mula sa Isabela State University (ISU) – Echague Campus. Nakamit ni Mateo ang kanyang katayuan bilang topnotcher sa pamamagitan ng pagkuha ng markang 87.56 porsiyento sa pagsusulit na idinaos noong Disyembre 4-5, 2025.
Hindi lamang ang nag-iisang tagumpay ang ipinagdiwang ng ISU-Echague. Kinilala rin ang nasabing pamantasan bilang isa sa Top 3 Performing Schools sa buong bansa para sa nasabing pagsusulit. Batay sa talaan ng Professional Regulation Commission (PRC), nakapagtala ang kampus ng pangkalahatang passing rate na 85.96 porsiyento. Higit na kahanga-hanga ang naitalang 100 porsiyentong passing rate para sa mga unang beses na kumuha ng board exam.
Ang tagumpay ni Mateo at ng ISU-Echague ay sumasalamin sa mataas na kalidad ng edukasyon sa larangan ng agrikultura at biosystems engineering sa rehiyon. Ang nasabing pagsusulit ay isinagawa at pinangasiwaan ng PRC Board of Agricultural Engineering sa iba’t ibang testing center sa bansa. Para sa kumpletong listahan ng mga pumasa at opisyal na ranking ng mga pamantasan, maaaring bumisita sa opisyal na website ng Professional Regulation Commission.

