Cayetano: TAGUIG CITY GENERAL HOSPITAL, BUNGA NG MATAGAL NA PANGARAP NG MGA TAGUIGEÑO

Ni Buboi Patriarca

Hindi ito biglaang proyekto, kundi katuparan ng isang matagal nang pangarap.

Ito ang binigyang-diin ni Senator Alan Peter Cayetano sa ginanap na Inauguration and Blessing ng Taguig City General Hospital—ang kauna-unahang pampublikong ospital ng lungsod.

Ayon kay Cayetano, mula pa noong dekada ’80 ay matagal nang hangarin ng mga taga-Taguig ang magkaroon ng sariling ospital na magbibigay ng mas mabilis at mas malapit na serbisyong medikal, lalo na sa mga panahong kritikal ang kalagayan ng pasyente.

Giit ng senador, hindi dapat maging hadlang ang layo ng ospital at kakulangan ng pasilidad sa pagliligtas ng buhay. Aniya, noon ay napipilitan pang lumuwas ang mga Taguigeño sa karatig-lungsod para lamang makapagpagamot.

Dagdag pa ni Cayetano, ang Taguig City General Hospital ay hindi lamang isang gusali, kundi isang malinaw na simbolo ng malasakit ng pamahalaan sa kalusugan ng mamamayan.

“Ang ospital na ito ay para sa tao—para sa bawat pamilyang Taguigeño na nangangailangan ng maagap, de-kalidad, at makataong serbisyong pangkalusugan,” ayon sa senador.

Sa pagbubukas ng ospital, inaasahang mas mapapalapit at mas mapabibilis ang serbisyong medikal para sa libo-libong residente ng Taguig—isang hakbang tungo sa mas maayos at mas inklusibong serbisyong pangkalusugan sa lungsod.