NGCP: NORMAL NA ANG POWER TRANSMISSION SA MGA LUGAR NA APEKTADO NG BAGYONG BASYANG
Ni Buboi Patriarca
IBINALITA ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP na ganap nang bumalik sa normal ang power transmission services sa lahat ng lugar na naapektuhan ng Tropical Storm Basyang.
Ayon sa pamunuan ng NGCP, matagumpay na naibalik ang operasyon ng mga transmission lines matapos ang agarang inspeksyon at pagkukumpuni ng kanilang mga linemen at technical teams sa mga apektadong lugar.
Tiniyak din ng ahensya na patuloy nilang minomonitor ang mga lagay ng panahon, lalo na ang mga weather disturbance na posibleng pumasok sa bansa sa mga susunod na araw.
Handa rin umano ang NGCP na i-activate ang kanilang overall command center sakaling may bagong banta ang masamang panahon na maaaring makaapekto sa transmission facilities at suplay ng kuryente.
Pinayuhan naman ang publiko at mga electric cooperative na agad i-report ang anumang abnormalidad sa linya ng kuryente upang mabilis na maaksyunan at maiwasan ang mas malawak na aberya.
Samantala, patuloy ang koordinasyon ng NGCP sa mga lokal na pamahalaan at concerned agencies upang masiguro ang tuloy-tuloy at ligtas na suplay ng kuryente, lalo na sa panahon ng mga bagyo.

