PEKENG YOSI NASABAT SA MARIKINA, CONSTRUCTION SUPPLY NILUSOB NG PULIS AT BIR
Ni Iza Aldana
Marikina City | Bagsak sa kulungan ang bentahan ng umano’y pekeng at smuggled na sigarilyo matapos salakayin ng pulisya at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang isang construction supply sa Provident Village, Barangay Tañong.
Bandang alas-9:30 ng umaga noong Pebrero 9, nagsagawa ng joint operation ang mga operatiba matapos makumpirma sa test buy na may iligal na sigarilyong ibinebenta sa tindahan.
Pinangunahan ang raid ng Station Intelligence Section, Barangka Police Sub-Station, SWAT, at mga tauhan ng BIR.
Sa inspeksyon, natuklasang puro “illicit” o walang tamang buwis ang mga sigarilyo.
Nasamsam ang:
▪️ 81 packs Modern White
▪️ 12 packs Modern Red
▪️ 20 packs Modern Black
Aabot sa P6,780 ang kabuuang halaga ng kontrabando.
Agad na kinumpiska ang mga produkto at dinala sa presinto para sa dokumentasyon bago itinurn-over sa BIR para sa kaukulang aksyon.
Walang naitalang gulo o insidente sa operasyon.
Patuloy ang imbestigasyon at posibleng kaharapin ng may-ari ng establisyimento ang mga kasong paglabag sa batas buwis at smuggling.

