ISANG LIBONG TAUHAN NG BFP, KAKASUHAN! ‘CANCEROUS’ NA KORAPSYON, BINULGAR NG DILG
Ni Nelle de San Jose
Aabot sa halos 1,000 personalidad ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang haharap sa kaso na isasampa ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng umano’y talamak na korapsyon sa ahensya.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, “cancerous” o parang kanser na kumalat ang modus operandi sa loob ng BFP.
Isiniwalat na sangkot umano rito ang ilang fire inspectors na nakikipagsabwatan sa mga pribadong supplier.
Dahil dito, inaasahang uugong ang mas malalim na imbestigasyon at posibleng mas marami pang pangalan ang madawit sa iskandalo.

“Dito talaga sa BFP habang kaya kang isahan, iisahan ka. Pero hindi nila ako kayang isahan habambuhay. Mahuhuli’t mahuhuli ko rin ‘yung mga ‘yan,” saad ni Remulla.
Aniya, halos lahat ng mga maliliit na negosyante ay apektado ng katiwalian ng ahensya.
“Kawawa naman ang mga negosyante natin. 99 percent of the employers of the Philippines are small and medium scale businesses. 100 percent of them are victims of the BFP. Kailangan matigil ito.”
Bunsod nito, ang masusing imbestigasyon na ginagawa ay nakapokus sa mga iregularidad ng ilang fire inspectors sa mga negosyo sa lahat ng komunidad.
Sa kabilang banda, ilan sa mga netizens ang umalma at sinabing hindi aaksyunan ang isyu na ito kung hindi nadehado ang kamag-anak ni Remulla.
