JAPANESE NURSING STUDENTS, DUMAYO SA PRC PARA SILIPIN ANG DISASTER AT HEALTH RESPONSE NG PILIPINAS

Ni Iza Aldana

MANDALUYONG CITY | Bumisita sa Philippine Red Cross (PRC) ang isang delegasyon mula sa Japanese Red Cross Hiroshima College of Nursing bilang bahagi ng kanilang academic exposure upang mas maintindihan ang primary health care at disaster response systems ng Pilipinas.

Pinangunahan ni Mr. Yosule Takada, lecturer sa global health at disaster nursing, kasama ang 12 nursing students, ang pagbisita noong Pebrero 11, 2026. Layunin ng grupo na matutunan ang mga best practices ng PRC sa pagtugon sa mga emerhensiya at krisis pangkalusugan.

Sa presentasyon ng PRC Health Services, ipinaliwanag ang mandato ng organisasyon na bumuo ng mas ligtas, mas malusog, at mas matatag na komunidad. Tinalakay rin ang mga pangunahing hamon sa kalusugan ng bansa tulad ng tuberculosis, HIV, tigdas, polio, dengue, at leptospirosis.

Ipinakita rin sa delegasyon ang dalawang pangunahing programa ng PRC—Primary Health Care at Health in Emergencies and Disasters—na nakatuon sa agarang serbisyong medikal at pagtugon sa mga sakuna. Binisita rin nila ang PRC Operations Center kung saan nasaksihan ang aktuwal na disaster preparedness, response, at recovery operations.

Bahagi ang PRC sa serye ng pagbisita ng grupo sa iba’t ibang institusyon tulad ng World Health Organization (WHO), Department of Health (DOH), at Japan International Cooperation Agency (JICA) upang makakuha ng mas malawak na pananaw sa pampublikong kalusugan.

Ayon kay Takada, mahalagang maihanda ang mga nurse sa pagharap sa mga emerhensiya. Aniya, “Napakahalaga ng papel ng mga nurse sa primary health care at sa panahon ng sakuna. Dapat handa silang tumugon anumang oras.”

Samantala, sinabi ni Richard Gordon, chairman at CEO ng PRC, na ang ganitong ugnayan ay nagpapalakas sa pandaigdigang kooperasyon sa humanitarian work. Dagdag naman ni Gwendolyn Pang, mas napapalalim ng palitan ng kaalaman ang kakayahan ng parehong bansa sa health at disaster response.

Sa huli, pinagtibay ng pagbisita ang iisang layunin ng dalawang Red Cross society—ang maglingkod at magligtas ng buhay—habang inihahanda ang susunod na henerasyon ng mga nurse para sa mas matatag na pagtugon sa mga hamon ng pampublikong kalusugan at kalamidad.