Simplified Aid Bill, Suportado ni Cayetano Saka Nanawagan Ng Long Term Economic Reforms
Ni Ernie Reyes
Nagpahayag ng suporta si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa panukalang magpapadali sa pagkuha ng government assistance, pero nanawagan din siya na samahan ito ng long-term programs na magbibigay kakayahan sa maliliit na negosyo at pamilya na maging self-sufficient.
Ito ay matapos ng kanyang manifestation nitong February 18, 2026 kaugnay ng Senate Bill No. 155 o ang Simplified Government Aid Access Act, na layong pabilisin at linisin ang proseso ng pamamahagi ng ayuda at alisin ang political influence sa pagkuha nito.
Ayon sa Senate Minority Leader, mahalaga ang simplified access lalo na sa mga agarang sitwasyon tulad ng medical emergency at pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya, kung saan ang pagkaantala ay lalo pang nagpapabigat sa kalagayan ng mga nangangailangan.
“If you look at Singapore, Korea, Thailand, Malaysia, all of these countries have programs for micro and small entrepreneurs. Sa atin, ‘5-6’ pa rin,” wika ni Cayetano.
Binigyang diin din ng senador ang bilyon-bilyong pisong inilalaan ng gobyerno taon-taon para sa financial assistance, na naging konteksto ng kanyang matagal ng panukala na magbigay ng direktang tulong sa mga pamilya upang mabawasan ang red tape at mapabilis ang distribusyon.

“We have almost P200 billion in ayuda every year… Actually, it’s increased to more than P300 billion [already]. That’s why I proposed na bigyan na lang ng diyes mil diretso lahat because we can actually do it,” wika niya.
Sa kanyang pagsuporta sa simplified access, hinikayat din ni Cayetano ang Senado at ehekutibo na maglatag ng medium at long-term na mga hakbang upang mabawasan ang dependency sa doleout sa pamamagitan ng pagpapalakas ng entrepreneurship at self-reliance.
“While we support this bill and while this is a good endeavor, may I encourage all of us, especially sa Executive Department, to come up with programs that push for independence, creativity for small businesses, for people to take care of themselves, that will eventually shove out y’ung mga doleouts natin,” wika niya.
Dagdag pa ni Cayetano, dapat ipakita rin ang parehong sense of urgency sa mga panukalang susuporta sa negosyo, puhunan, edukasyon, at kalusugan.
“It’s in my hope na kung gaano natin kabilis naipasa ang Senate Bill No. 155, y’ung mga programa sa entrepreneurship, puhunan, kapital, mga pondo para sa edukasyon at kalusugan, maipasa [rin] natin agad,” wika niya.
Si Cayetano ang pangunahing sponsor ng landmark na batas na E-Governance Law (Republic Act No. 12254), na naglalayong ayusin ang pamantayan sa mga dokumento upang maging mas madali ang pagkuha ng tulong ng gobyerno, lalo na sa mga mahihirap na benepisyaryo.
