RDC ILALAHOK SA PAG-AAPRUBA NG INFRA PROJECTS – Gatchalian
Ni Ernie Reyes
Ipinapakita ng mga nagdaang malalakas na bagyo, tulad ng bagyong Basyang na nanalasa sa Visayas at Mindanao, ang pangangailangan sa mga proyektong imprastraktura na dumaan sa pag-apruba ng mga Regional Development Council (RDC), ayon kay Senador Win Gatchalian.

“Dapat tayong magsagawa ng mga proyektong imprastraktura na masusing sinuri ng mga RDC upang matiyak na ang mga ito ay ipatutupad kung saan talaga kinakailangan at kayang tumayo sa matitinding kondisyon ng panahon,” ani Gatchalian sa kanyang pagbisita sa Iligan City.
“Dahil mas lumalakas ang mga bagyong tumatama sa bansa, kailangan nating tiyakin na maayos at matibay ang mga imprastrakturang itinatayo upang higit na maprotektahan ang ating mga kababayang pinaka-bulnerable sa kanilang hagupit,” dagdag niya.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Finance, iginiit ni Gatchalian na upang maiwasan ang maling paggamit ng pondo ng bayan, hindi dapat ipatupad ang mga proyektong imprastraktura batay lamang sa kagustuhan ng mga pulitiko.
Sa halip, dapat aniya na masusing beripikado at may malinaw na pag-eendorso ng mga kinauukulang RDC ang mga proyekto, kabilang ang flood-control projects.
Binigyang-diin ng senador na marami sa mga proyektong walang basbas ng RDC ang nagiging problema.
Samantala, nag-turn over si Gatchalian ng P825,000 na halaga ng pagkain bilang tulong para sa 29,223 na pamilyang naapektuhan ni ‘Basyang’ sa Iligan City. Ayon sa Office of Civil Defense, umabot sa 12 ang mga nasawi at 467,000 indibidwal ang naapektuhan sa 850 barangay sa Visayas at Mindanao.
