50+ KATAO NAIBAON SA BASURA SA RIZAL: LGU AT ISWIMS, PINAPANAGOT SA DI-UMANO’Y COVER-UP

Ni Iza Aldana

MONTALBAN, RIZAL — Umaabot sa mahigit 50 katao ang pinaniniwalaang naibaon nang buhay matapos gumuho ang tambak ng basura sa pasilidad ng International Solid Waste Integrated Management Specialist Inc. (ISWIMS) sa Montalban, Rizal noong Pebrero 20, ayon sa mga residente at kaanak ng mga nawawala—na mariing kumokondena sa umano’y walang pusong kapabayaan at sinasadyang pagtatakip ng kumpanya at ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa mga saksi, sunod-sunod na landslide ng basura ang tumama bandang 2:00 ng hapon, kasagsagan ng pagtatapos ng morning shift. Karamihan sa mga pinaniniwalaang biktima ay mga mangangalakal ng basura (scavengers) na nagtatrabaho sa lugar.

Mas matindi ang galit ng komunidad matapos umanong WALANG RESCUE OPERATION na isinagawa. Sa halip, bandang 4:00 ng hapon, iniutos umano ng isang foreman na tabunan pa ng lupa ang gumuhong bahagi gamit ang backhoe—habang may mga tao pang nakabaon. Ikinagalit din ng mga residente ang alegasyon na inuuna ng kumpanya ang pagligtas sa mga bulldozer kaysa sa mga buhay na tao.

Dagdag pa ng mga kaanak, agad umanong nag-alok ang mga abogado ng ISWIMS ng P100,000 hanggang P200,000 bilang “ayuda” na itinuturing nilang pananahimik. Samantala, mga armadong guwardiya na may improvised firearms (sumpak) ang umano’y humaharang at nananakot sa mga pamilyang naghahanap ng sagot at hustisya.

Ibinunyag din ng mga lokal na ito na ang insidente ay ika-anim na landslide na nangyari sa naturang tambakan ngunit hindi naiuulat. May mga ulat din na nagtuturo sa isang “Congressman Tom” at sa mga kaugnay na operasyon ng quarrying bilang posibleng may kinalaman sa patuloy na panganib sa lugar.

Sa kabila ng umano’y pananahimik ng mga awtoridad, ang mismong komunidad ang kumilos. Manu-manong naghukay ang mga residente at nakarekober ng bangkay ng isang babae bandang 4:00 ng hapon kahapon, patunay—ayon sa kanila—na may mga biktimang tunay na naibaon.

Bilang protesta, magdaraos ng candle-lighting ang mga pamilya ng biktima at mga lokal na grupo sa mismong lugar ng insidente upang igtingin ang panawagan sa media, singilin ang LGU at ISWIMS, at igiit ang agarang imbestigasyon, full rescue, at pananagutan sa sinasabing malagim na krimen laban sa mahihirap.