DRAYBER, DINAKIP SA FRUSTRATED HOMICIDE SA MARIKINA

ni Iza Aldana

MARIKINA CITY — Arestado ang isang drayber matapos umanong manaksak gamit ang ice pick sa loob ng garahe ng Trucking na Kumpanya sa Brgy. Sto. Niño, Marikina City bandang 5:00 ng hapon noong Pebrero 21, 2026.

Ang suspek ay isang lalake, 32, drayber at residente ng Rodriguez, Rizal. Samantalang, ang biktima naman ay 48, kapwa drayber at stay-in employee ng kumpanya.

Batay sa imbestigasyon, nagsimula ang insidente sa mainitang pagtatalo hinggil sa iskedyul ng biyahe. Nang mamagitan ang biktima at umano’y itulak ang suspek, bumalik ito na may dalang ice pick at sinaksak ang biktima. Nakahingi pa ng tulong ang biktima sa mga pulis na nagmamobile patrol sa lugar. Agad na naaresto ang suspek, ngunit hindi na narekober ang ginamit na sandata.

Isinugod ang biktima sa ospital at kasalukuyang nagpapagaling.

Pansamantalang nakakulong ang suspek sa Marikina City Police Station Custodial Facility habang inihahanda ang reklamo sa Frustrated Homicide para sa inquest proceedings sa Marikina City Prosecutor’s Office.