P55-M NA SMUGGLED CIGARETTES, NASABAT SA ZAMBOANGA AT SULU

Ni Nelle de San Jose

Pumalo sa mahigit P55 milyon halaga ng ipinuslit na sigarilyo ang nasamsam ng Philippine Navy sa magkakasunod na operasyon sa karagatan ng Zamboanga at Sulu ngayong buwan ng Pebrero.

Ayon sa Western Mindanao Naval Command (WMNC), pinakamalaki sa mga nasabat sa operasyon ay ang naharang na M/V SARHANA nitong Pebrero 21 lang na malapit umano sa sa Marungas Island, Sulu.

Napagalaman na may karga itong 600 master cases ng iba’t ibang smuggled na mga sigarilyo mula Jolo na papuntang Dipolog City, anila may kabuuang P34,680,000 ang mga ito kasama ang naturang barko.

Sa parehong araw naman, nasamsam rin ng mga awtoridad ang MB FATIMAH DARSA malapit sa Little Sta. Cruz, Zamboanga City.

Lulan nito ang 336 master cases at 45 reams ng mga ipinuslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng P19,454,370.

Samantala, kamakailan lang ay naharang din ang M/B AAFIYA SHEZA sa karagatan ng Recodo, Zamboanga City, kung saan nakumpiska mula rito ang 25 master cases ng “BOSQU” brand tobacco na nagkakahalaga nan ng tinatayang P1,532,500.

Sa kabuuan, pumalo sa P55,766,870 ang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyo at sasakyang-pandagat sa tatlong magkakahiwalay na operasyon sa Mindanao.

Ayon sa mga awtoridad, isa ito sa pinakamalalaking sunod-sunod na operasyon kontra sa smuggling sa rehiyon ngayong 2026.

Samantala, agad namang dinala sa Naval Station sa mga naturang lugar ang nasabat na  mga barko at tripulante para sa karagdagang medical check-up at imbestigasyon.

Bago naman mailipat ang mga kontrabando sa Bureau of Customs, sumailalim muna ang mga ito sa wastong dokumentasyon.

Ayon sa WMNC, patuloy ang pinaigting na pagbabantay sa karagatan upang sugpuin ang smuggling at protektahan ang ekonomiya ng Pilipinas. Sinigurado rin ng ahensya na hindi sila titigil sa paghuli kontra sa mga grupong sangkot sa ilegal na kalakalan sa kanilang rehiyon.