“HANAPIN KAHIT BANGKAY MAN LANG” — mga residente, umapela sa kawalan ng aksyon sa tragedya sa Montalban
Ni Iza Aldana
MONTALBAN, RIZAL | Patuloy ang hinagpis at galit ng mga pamilyang apektado ng trahedya sa tambakan ng basura sa Montalban kung saan mahigit 50 katao ang pinaniniwalaang naibaon nang buhay, matapos umano’y hindi maramdaman ang agarang aksyon ng pamahalaan at ng LGU.
Ayon sa mga residente, wala umanong sense of urgency ang mga awtoridad matapos ang insidente noong Pebrero 20.
“Hindi namin nararamdaman ang aksyon ng gobyerno at ng LGU. Hanapin na lang kahit bangkay man lang,” pahayag ng isang kinatawan ng mga pamilya. “Kailangan naming maibalik ang mga mahal namin sa buhay.”
Dagdag pa ng mga apektado, lalo umanong mabigat para sa mga bata ang sitwasyon habang hirap ang mga pamilya sa pagbibiyahe at paghahanap ng tulong.
“Ang mga dapat magprotekta sa amin, parang wala. Banta ito sa barangay at sa LGU,” ayon sa residente.
Batay sa ulat, bandang 2:00 ng hapon nang gumuho ang tambak ng basura, at sa halip na rescue operation, iginiit ng komunidad na tinabunan pa ng lupa ang lugar bandang 4:00 ng hapon.
Sa kawalan ng malinaw na aksyon, ang mismong mga residente ang naghukay at nakarekober ng bangkay ng isang babae, patunay umano na may mga biktimang tunay na naibaon.

