DPWH TINAPOS ANG DRAINAGE REHAB SA G. ARANETA AVENUE; KALSADA MULING BINUKSAN
Ni Iza Aldana
QUEZON CITY | Muling binuksan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang isang bahagi ng G. Araneta Avenue noong Pebrero 25, 2026, matapos makumpleto ang drainage rehabilitation project na layong tugunan ang madalas na pagbaha sa lugar.
Pinangunahan ni DPWH Secretary Vince Dizon ang pagbubukas ng kalsada, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin at gawing prayoridad ang mga proyektong pang-imprastraktura na makatutulong sa flood mitigation, lalo na sa Metro Manila.
Ang G. Araneta Avenue ay kabilang sa mga pangunahing lansangan sa Quezon City na madalas bahain tuwing malalakas ang pag-ulan. Dahil dito, isinama ito ng DPWH sa mga unang tinutukan sa pagpapatuloy ng mga flood control projects upang maibsan ang epekto ng matinding pagbaha sa mga motorista at residente.
Ayon sa DPWH–Quezon City 2nd District Engineering Office, kabilang sa mga isinagawang trabaho ang paglalagay ng mas malalaki at makabagong high-density polyethylene (HDPE) pipes upang mapabilis ang daloy ng tubig at maiwasan ang pag-ipon nito sa kalsada. Kasabay nito, isinailalim din sa rehabilitasyon ang mga manhole, sidewalk, at mismong kalsada upang masiguro ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga nagdaraan.
Samantala, ininspeksyon din ni Secretary Dizon ang nagpapatuloy na drainage rehabilitation sa E. Rodriguez Sr. Avenue, gayundin ang lokasyon ng planong itayong pumping station na magsisilbing outfall ng mga drainage patungo sa San Juan River.
Sinabi ng DPWH na inaasahang makatutulong ang mga naturang proyekto upang mabawasan ang pagbaha at mapabuti ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada ng Metro Manila, lalo na sa panahon ng tag-ulan.

