LTO Enforcers, sangkot sa Bohol viral video, PINASISIBAK!
AGARANG ipinag-utos ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza sa Regional Director ng LTO Region 7 na maglabas ng preventive suspension order laban sa mga enforcers nito na sangkot sa viral video sa Bohol.
Pinahayag ni Atty Mendoza na dapat magkabisa agad ang preventive suspension at mananatiling epektibo hanggang sa matapos ang masusing imbestigasyon. Kaalinsunod ng utos ni Asec Mendoza kay LTO Region 7 Director Glen Galario na makipagtulungan sa investigating team na binuo ni Department of Transportations (DOTr) Secretary Vince Dizon.
Matatandaan na noong Biyernes, Pebrero 28, nag-viral sa social media ang video ng mga LTO enforcer matapos na pagtulungan at puwersahang kinaladkad ang isang lalaking sakay ng motorsiklo na nakuhanan ng kutsilyo sa Barangay Tawala, Munisipyo ng Panglao. “Farmer ko!” yan ang paulit-ulit na isinisigaw ng lalaki.
Kinalaunan ay nakilala ang lalaki na kapatid ng dating bise alkalde na si Brian Velasco ng bayan ng Panglao. Sa isang pahayag, ipinaliwanag ni Velasco, na ang kanyang kapatid ay nagbubungkal ng lupa sa Barangay Bolod, sa nasabing bayan at karaniwan din aniya na nagdadala ito ng mga kagamitang pang-agrikultura tulad ng bolo at kutsilyo.
Kasalukuyan umanong nasa kustodiya ng mga pulis ang indibidwal na sangkot sa insidente at inihahanda na ang mga reklamong maari nilang kaharapin.
Kaugnay nito, humingi ng tawad ang LTO chief Atty Mendoza sa insidente at sinabing ipapatupad ang corrective measures upang maiwasang maulit ang insidente sa hinaharap.
Buboi Patriarca para sa RoadNews





Photo Credit to the Owner