Dinastiya’t Kapal ng Mukha

SA HINABA-HABA NG PANAHON NA MAYROONG POLITICAL DYNASTY, KUNG TALAGANG NAKABUBUTI ITO SANA’Y INKLUSIBO’T MAAYOS NA ANG PAG-UNLAD NG BANSANG PILIPINAS.
“Six years is too short for a good public official, but is too long for a corrupt one” – tunay ngang kapag mabuti ang lider ay hinihiling ng mga mamamayang sana hindi na lamang matapos ang kanilang termino; ngunit kabaliktaran naman kapag ang nakaupo ay tanging pinagsisilbihan lamang ay ang kaniyang sarili at makasariling interes. Kung labis nang nakapagpapasama ng loo bang mahabang paninilbihan ng isang korap at inutil na lider, paano pa kaya kung ang kanilang angkan ay papasok na sa mundo ng gobyerno’t pulitika?
Kung ang political dynasty ay nakabubuti o nakasasama, ngayon natin pag-usapan.
Ang gobyerno at ang mga posisyon sa loob nito ay isang pampublikong korporasyon. Hindi ito isang family corporation na pinatatakbo ng isang pamilya. Sa aking aral na opinyon ay hindi nakabubuti ang political dynasty. Ang pagkakaroon ng dinastiya sa pulitika ay isang malinaw na paglabag sa demokratiko’t republikanong prinsipyo na dapat ay umiiral sa bansang Pilipinas.
Ang Saligang Batas na mismo ang nagsabi at nag-uutos sa Kongresong ipagbawal ang pagkakaroon ng political dynasty. Ngunit paano ito ngayon masusunod kung ang mga nakaupong buwaya sa kamara’y halos may pare-parehas na apelyido’t pinagmulan – pamilya ng mga pulitikong matagal nang ginagatasan ang posisyong sana’y ginagamit upang magsilbi sa bayan.
“Marami naman silang nagawa, kaya ayos lang na sila ulit” – madalas na argumento’t kaisipan ng bawat botanteng namanipula’t napaikot na ng mga TRAPOng naninilbihan sa kanilang makasariling interest. Kaya may mga nakikitang proyekto’t kaunting pag-unlad ang bawat pamilyang may dinastiya sa pulitika ay dahil sa haba na ng kanilang pagkakaupo sa pwesto.
Ngunit kailangan nating itatak sa ating isipan na hindi lahat ng political dynasty ay nakagagawa ng kahit kakarampot na kabutihan para sa mamamayan na kanilang isinusumbat sa atin. Dahil mas marami pa rin, kung mas malalim na titignan, ang mga dinastiyang wina-walanghiya ang pamahalaan at publiko.
VILLAR. Senator Cynthia Villar, asawa ng dating senador na si Manny Villar; ina ng TRAPOng si Camille at ng mapang-abusong dating DPWH Secretary at ngayo’y senador na si Mark.
Isa sa mga prominenteng pamilyang ginawa nang hanapbuhay ang pagpasok sa pulitika; at kaakibat ng kanilang dinastiya ay ang pang-aabuso sa kanilang kapangyarihan upang palakasin pa ang kanilang imperyo’t negosyo. Hindi natin dapat kalimutan na ginawan ni Mark ng tulay ang kanilang subdivision na kumokonekta sa iba pa nilang mga ari-arian gamit ang pera sa kaban ng bayan, at ang palpak na implementasyon ng mga proyektong para maagapan sana ang baha sa ilalim ng kaniyang pamumuno bilang DPWH Secretary.
Huwag din nating kalilimutan na ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan upang mapalawig ang kanilang oligarkiya at kamkamin ang lupain ng mga kapuspalad na mga magsasaka!
Sen. Cynthia, saan ka kaya humuhugot ng lakas ng loob at kapal ng mukhang ipaglaban na nakabubuti ang political dynasty para sa bansang Pilipinas at sa mga mammayang Pilipinong patuloy ninyong niloloko at minamanipula?
TULFO. Nagsimula bilang mga mamamayahag – mga nagpauso at nagpalawig ng trial by publicity sa social media. Naunang naupo si Sen. Raffy, na wala namang ambag at ipinanukalang batas na para sa bayan. Nandiyan din si Representative Ralph Tulfo, anak ni Raffy, na kamakailan lamang ay nahuling inaabuso ang kaniyang posisyon upang manlamang sa mga kapwa drayber sa kalsada.
Ang mga pangalang nasa itaas ay ilan lamang sa mga dinastiyang nagpapatunay na hindi nakabubuti para sa ating bansa ang pagkakaroon nito. Maliban sa isa itong malinaw na paglabag sa prinsipyo na ipinahihiwatig ng Saligang Batas, ay isa itong tahasang pagkitil sa esensiya ng makatao at demokratikong proseso sa pamamagitan ng malaya at malinis na eleksyon.
Hinahadlangan at pinapatay nito ang diwa ng totoong pakahulugan ng pagsisilbi sa bayan. Tinatanggalan nito ng buhay ang karapatan ng bawat mamamayan na magkaroon ng lider na ang interes ng publiko ang isinasaalang-alang.
Pinagkakaitan ng political dynasty ang tunay na kwalipikadong kandidatong ang nasa puso’t isip ay inklusibong pagbabago’t pag-unlad para sa mamamayang Pilipino.
Bagama’t maaari kong sisihin ang mga humabi at nagsulat ng ating Saligang Batas, dahil pinili lamang nilang ilagay ang pagtutol sa political dynasty bilang isang prinsipyong nangangailangan ng batas upang maipatupad ang pagbabawal nito, imbis na gawin sana itong self-executing provision, ay wala rin naman itong saysay.
Sa aking palagay ay kailangan ang mga botante mismo ang magpatupad at magpakita na hindi tama at lihis sa moralidad ang pagkakaroon ng dinastiya sa pulitika. Kailangang magising ang diwa ng bawat mamamayang Pilipino na hindi dinastiya ang sagot sa mabagal at eksklusibong pag-unlad.
HINDI TAMANG GAWING MONOPOLYO ANG KONGRESO ng iilang pamilya. At para sa mga kapwa ko botante ngayong Halalan 2025, mayroon akong tanong sa inyo:
“TINAPOS NG MGA PASIGUENO ANG KORAP NA DINASTIYA NG MGA EUSEBIO. WINAKASAN NG MGA TAGA-SAN JUAN ANG DEKADANG HARI-HARIAN NG TRAPONG MGA EJERCITO-ESTRADA. TINAPOS NG MGA CEBUANO ANG HIGIT 70-TAONG MONOPOLYO NG KAPANGYARIHAN NG MGA DURANOS.
KAILAN NAMAN NATIN WAWAKASAN, SA NASYONAL NA LEBEL, ANG MGA DINASTIYANG HARAPAN TAYONG GINAGAWANG MANGMANG AT WINA-WALANGHIYA SA KANILANG TAHASANG PANGUNGURAKOT?”