3.3 Milyong Halaga ng Farm Machineries at Equipments Ibinahagi ng DAR sa ARBO ng Apayao
Tumanggap ng Php 3.3 milyong halaga ng farm machineries and equipment (FMEs) ang mga miyembro ng anim (6) na agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs) sa lalawigan ng Apayao mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na iangat ang antas ng pamumuhay ng mga magsasakang Pilipino.
Aabot sa 175 agrarian reform beneficiaries (ARBs) ang makikinabang mula sa anim (6) na ARBOs sa lalawigan, kabilang ang Cajoma Multipurpose Cooperative (CAJOMA MPC) ng Pudtol; Sta. Lina ARB Association Inc. (STARBA) at Cagandungan Marag Valley ARB Association Inc. (CAMAVARBA) ng Luna; Mallig Upland Farmers Association, Inc. (MUFA) ng Flora; Guina-ang Community Development Agriculture Cooperative (GUICOMDA), at Mawigue Proper Farmers Association, Inc. (MPFA) ng Conner.
“‘Kung ano ang itinanim, siyang aanihin!’ Ngayon tinatamasa na ng anim na ARBOs sa Apayao ang bunga ng kanilang pagsisikap. Ang maliliit nilang sakripisyo ay nagbunga ng tagumpay,” pahayag ni Provincial Agrarian Reform Program Officer II Atty. Penelope B. De Ausen.
Nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si Chairman Gilbert Galut ng CAJOMA MPC sa DAR at binigyang-diin na ang kanilang pagsunod sa mga alituntunin ng ahensya at aktibong pakikilahok sa mga programa ng gobyerno ang naging susi upang matanggap nila ang mga makinaryang ito na magpapahusay sa kanilang produksyon at kahusayan sa pagsasaka.
Kabilang sa mga ipinamahaging FMEs ang heavy-duty hand tractors, tractors na may rotavators, tractor-mounted corn seeders na may trailer, standalone corn seeders, water pumps, knapsack sprayers, rotary tillers, at brush tillers. Bukod sa pagpapataas ng ani, layunin ng mga makabagong kagamitang ito na gawing mas episyente ang pagsasaka at mabawasan ang bigat ng trabahong manwal para sa mga ARBs.
Ang programang ito ay naisakatuparan sa ilalim ng Climate Resilient Farm Productivity Support Program (CRFPSP), na naglalayong suportahan ang ARBs at maliliit na magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng makabagong teknolohiyang pang-agrikultura, inobatibong pamamaraan ng pagsasaka, at pagsasanay upang mapalakas ang pangmatagalang produktibidad sa sektor ng agrikultura.
Weng Torres para sa RoadNews