WB at DAR, Pinabilis Ang Pamamahagi ng mga Titulo ng Lupa sa Mga ARBs

General Santos City – Upang matiyak ang maayos at epektibong pagpapatupad ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (Project SPLIT), nagtipon ang Department of Agrarian Reform (DAR) at World Bank (WB) sa General Santos City upang mapalakas ang seguridad sa pagmamay-ari ng lupa ng agrarian reform beneficiaries (ARBs).

Layunin ng SPLIT Project na hatiin ang collective Certificates of Land Ownership Award (CCLOAs) sa mga indibidwal na titulo upang mabigyan ng mas matibay na karapatan sa pagmamay-ari at mas malaking kontrol sa kanilang lupa ang mga ARB. Sa pamamagitan nito, magkakaroon sila ng kalayaang magpasya sa pagsasaka, makakuha ng pautang, at mapabuti ang kanilang kabuhayan.

Idinaos ang pagtitipon noong Marso 17 hanggang 19, 2025, sa Grand Summit Hotel. Kasabay nito, nagsagawa rin ng mga konsultasyon sa Bicol at Eastern Visayas upang makuha ang pananaw ng mga ARB mula sa iba’t ibang rehiyon.

Sa loob ng tatlong araw na konsultasyon, ibinahagi ng mga agrarian reform beneficiaries organization (ARBO) mula sa Rehiyon 11 at 12 ang kanilang mga saloobin at karanasan upang higit pang mapabuti ang pagpapatupad ng proyekto. Isinagawa rin ang mga pagbisita sa mga komunidad upang makita mismo kung paano nakakatulong sa mga ARB sa kanilang pamumuhay ang paghahati ng lupa.

Ayon kay Sarah Antos, World Bank Team Leader at Senior Land Administration Specialist, mahalaga ang mga ganitong konsultasyon na isinasagawa tuwing anim na buwan.

“Napakahalaga para sa amin na marinig ang mga pananaw ng mismong mga apektado. Kailangan naming suriin kung ano ang epektibo at kung ano pa ang kailangang pagbutihin,” ani Antos.

Bagama’t may ilang hindi pagkakaunawaan, binigyang-diin ni Antos na parehong nakatuon ang DAR at World Bank sa pagbibigay ng mas matatag na seguridad sa pagmamay-ari ng lupa ng ARBs. Magkakaroon ng konkretong aksyon upang tugunan ang mga isyung inilabas sa konsultasyon.

Para sa maraming ARB, isang napakahalagang pagkakataon ang pagkakaroon ng sariling titulo ng lupa. Nagpasalamat si Marilyn Taculoy, isang ARB mula sa Alabel, sa ngalan ng kanyang kapwa magsasaka.

“Nagpapasalamat kami sa DAR at World Bank sa kanilang patuloy na suporta at pagsisikap upang mapabuti ang aming buhay,” ani Taculoy.

Ginanap ang pagtitipon sa pangunguna ni DAR Regional Director Mariannie Lauban-Baunto, na nagpamalas sa matibay na ugnayan ng DAR, World Bank, at agrarian reform communities. Sa patuloy na dayalogo at suporta, ang Project SPLIT ay patuloy na nagdadala ng tunay at pangmatagalang pagbabago sa buhay ng mga magsasakang Pilipino.

Tito Lucas para sa RoadNews