Kahit tila mummy, Alex laban lang
IPINAMALAS ni 2022 US Open Junior Women’s champion Alexandra “Alex” Eala na kahit tila isa na itong “mummy” na nababalutan ang parte ng katawan ay buong tapang itong lalaban na naganap sa kinapos nitong kampanya kay 7-time WTA champion at World No. 4 Jessica Pegula ng United States sa semifinal ng 2025 Miami Open.
Sinabi ng 19-anyos na Globe Ambassador at dating iskolar sa Rafael Nadal Academy na si Eala, na ibinigay niya ang lahat sa kapanapanabik na semifinal laban sa pumangalawa noong nakaraang taon na si Pegula kahit na sumasakit na ang kanyang hita at nagtamo pa ng dagdag na injury sa kanyang bukung-bukong.
“I literally gave everything I had, I’m half tape, I’m like a mummy. I did everything and I had no regrets,” sabi ni Eala, na makikitang iika-ika na sa laban bagaman nagpapatuloy pa rin sa pagpasok sa kalaban.
Pinagpaplanuhan ngayon ng Hangzhou Asian Games double bronze medalist kung paano nito maipagpapatuloy ang kanyang pambihirang paglalaro sa unang tapak sa main draw ng Miami Open sa kanyang mga susunod na torneo. “To have a week like this, the stars need to align and they did this week, and hopefully I can keep that up, – that is my goal now, to keep this up,” sabi ni Eala, na nakamit ang garantiya na agad na makakatuntong alinman sa gaganapin na mga Grand Slam event matapos maabot ang pinakamataas nitong WTA ranking bilang No. 75.
Ikinatuwa rin ni Eala ang ipinakitang suporta ng mga kababayang Pinoy na dumayo sa kanyang laban sa Hard Rock Stadium sa Florida kung saan ang malalakas na cheers ng mga Pilipinong fans ay nakita ng buong mundo.
Una nang walang pumansin kay Eala na nabigyan ng wildcard entry bago nito nagawang magtala ng kasaysayan sa Miami Open bilang unang Pinay na naging WTA semifinalist, unang nakatalo sa tatlong Grand Slam champion, una din nakapagpatalsik ng World No. 5 at dalawang Top-2 players, pangalawang wildcard semifinalist at pangatlong wildcard na nakatalo ng tatlong dating kampeon.
Bagama’t natapos na ang kanyang paglalakbay sa Miami Open, umaasa si Eala ng pag-asa at pangarap ng isang buong bansa na binitbit nito sa kanyang likuran ay hihipo sa iba pang kabataan upang umangat ang Philippine tennis sa isang pandaigdigang antas.
Unang tinalo ni Eala sa loob lamang ng dalawang sets sa Round of 128 si Katie Volynets ng US, 7-3, 7-6 (3), bago pinatalsik sa Round of 64 ang dating French Open champion na si Jelena Ostapenko, 7-6 (2), 7-5.
Sunod nitong binigo sa Round of 32 ang Australian Open queen na si Madison Keys, 6-4, 6-2, bago ang walkover na panalo kay Paula Badosa ng Spain sa Round of 16.
Ginulat din nito ang apat na beses naging Grand Slam champion na si Iga Swiatek sa quarterfinals, 6-2, 7-5, bago nabigo sa semifinals sa loob ng tatlong set kontra kay Jessica Pegula, 6-7 (3), 7-5, 3-6.
Mismong ang nakatapat nito na World No. 4 tennis player na si Pegula ay nagpahayag ng kanyang paghanga kay Eala sa ipinamalas nitong skill, agresibo at mahusay na paglalaro sa kanilang laban sa semifinals.
“I’m so tired. So, so tired. She [Eala] is really good. Goes for her shots, takes the ball early. Being a lefty is always tricky, competes really well. She’s beaten a lot of top players this week. I don’t really think she needs me to tell her that she’s a great player, that we’re not going to see enough of her, but we definitely are. And she proved that tonight. That was really tough,” nasabi lamang ni Pegula.
Sa kabila ng pagkatalo, gumawa ng kasaysayan si Eala bilang kauna-unahang Pinay na umabot sa semifinal ng WTA, tinalo ang tatlong kampeon ng Grand Slam at nangungunang 25 manlalaro upang makamit ang pinakamahusay na pagtatapos ng Pilipinas sa tennis.
Samantala, umusad si Pegula sa finals, kung saan makakalaban niya ang No. 1 tennis player sa mundo na si Aryna Sabalenka.
(Lianne Encarnacion)