ER EJERCITO, IBABALIK ANG NINGNING NG PAGSANJAN!
MATAPOS malampasan ni ex-Laguna Governor ER Ejercito, ang pinakamabigat na hamon nang pumanaw ang pinakamamahal niyang kabiyak, ang dating-Mayora Maita Ejercito, heto siya at muling nagbabalik para muling maging ama ng bayan ng Pagsanjan para sa darating na mid-term elections sa Mayo 12, 2025.
Sa ginanap na proclamation rally ng Ejercito-Garcia Team nu’ng Abril 2, 2025, umapaw ang kasiyahan ng mga taga-Pagsanjan dahil naging katuparan ang matagal na nilang hinihiling, ang pagbabalaik sa poder bilang ama ng bayan ng Pagsanjan ni ER Ejercito.
“Tuloy po ang kandidatura ni Mayor ER,” pakli ng isang malapit kay ER na ayaw magpabanggit ng pangalan. Ito’y sa kabilang naglabas ng guilty verdict sa kasong graft and corruption na merong kaparusahang ‘perpetual disqualification’ ang Korte Suprema nu’ng Marso 26,2025.
Merong karapatang maghain ng motion for reconsideration ang kampo ni ER Ejercito bilang paraan para mapigilan ang pagiging final and executory ng nasabing desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, kaya tuloy ang pangangampanaya ng kampo ni ER Ejercito para sa Mayo 12, 2025 elections.
Walang kahulilip na kaligayahan ang naka-rehistro sa mukha ng mga lumahok sa martsa at hindi nila alintana ang matinding sikat ng araw at buong puso nilang ipinakita na hindi pa rin nagbabago ang kanilang pagmamahal sa kanilang dating Mayor at Gobernado, na kung ating natatandaan, kinilala ang Pagsanjan bilang Tourist Capital of Laguna nu’ng panahon ng kaniyang termino.
“Kailanman, hindi namin tatalikuan si Gobernador ER,” simula ni Michelle Gutierrez, isang residente ng Barangay Sabang, Pagsanjan. “Si Mayor ER ang nagpa-ayos sa aming kalsada nu’ng siya’y maging mayor. Pati ang tulay na nagdudugtong sa Sabang at Cabanbanan ay siya ang nagpagawa. Samantalang ilang mayor na ang umupo sa munisipyo ng Pagsanjan ni wala silang ginawang proyekto para maging maayos ang aming kalsada,” patuloy ni Michelle.
“Nu’ng termino ni Mayor ER, naging masigla ang turismo sa Pagsanjan. Dumami ang mga turista partikular ang mga foreigner. Nakadagdag sigla ang paglulunsad ng Bangkero Festival at ng Lakan at Mutya ng Pagsanjan. Dumami ang trabaho at nabawasan ang mga tambay. Pati mga kabataan naging abala sa iba’t ibang hanapbuhay nu’ng sumigla ang turismo,” susog ni Jocelyn Valenzuela.
Art T. Tapalla naguulat para sa RoadNews
