LIBU-LIBONG TAGA-SUPORTA LUMABAS AT NAKISAMA SA HOUSE-TO-HOUSE CAMPAIGN NI CONG. NOGRALES

Masayang sinamahan ng mga libu-libong residente at taga suporta ni Congressman Fidel Nograles, ang ikinasang house-to-house campaign ng kongrehista sa Kasiglahan Village Bgy San Jose Montalban Rizal noong Sabado ika-5 ng Abril 2025.

Sa isinagawang pagbabahay-bahay ni Nograles, ay dinumog ito ng mga taga suporta na mula pa sa ibang mga karatig barangay ng Montalban, akay ng kanilang pagmamahal at suporta sa batang kongrehista.

Sa ganap na ika 2:00 ng hapon nag tipon-tipon ang mga tagasuporta sa harap ng isang simbahan sa Kasiglahan Village at masyang nag-aabang sa pag dating ng kongrehista. Suot ang mga puting t-shirt na may tatak “Fighter Natin” Atty Fidel Nograles at hawak ang mga plakard ng pagsuporta sa kongrehista ay di nila alintana ang matinding sikat ng araw at init ng panahon. Nagsasayawan sabay bigkas ng “Kong Fidel Kong Fidel! Ikaw Pa Rin, Ikaw Pa Rin! Nograles, Nograles! ”

Lubos ang kasiyahan ng lahat nang mamataan ang kongrehista, lalo na kapag napalapit ito sa kanila, hindi mapigilang ng iba ang kanilang tuwa at kilig na makamayan ang kongrehista. Pati ang mga motoristang dumaraan ay napahito upang makadaupang palad ang kongrehista.

Hindi pa nakakalayo ang grupo ay napahinto ito ng sandali at humiling ng kaunting katahimikan upang paunlakan ang pag-aalay ng isang panalangin o pray-over ng isang pastora sa kongrehista. Sa panalangin ay hiniling ng pastora ang basbas na mula sa Panginoon upang maging ligtas ang kongrehista habang naglilingkod ito sa mga mamamayan ng Montalban.

Sinamahan din ang house-to-house campaign na ito ng drum and lyre at ng mga ilang estudyante na natulungan ng scholarship program na “Future Natin” o FN ni Nograles.

Ang mga taga suporta mula sa sektor ng Senior Citizen, Estudyante, Negosyante, Kababaihan, ay nakiisa sa paglalakad at sinuyod ang mga kabahayan sa Phase 2 at Phase 1 ng Kasiglahan Village, sa dami ng sumamang taga suporta halos hindi mahulugang karayom ang kalsada.

Mainit namang tinanggap ng karamihan sa mga residente roon ang kampanya ng kongrehista. Tuwang-tuwa silang nakikipagkamay sa kongrehista kalakip ang pagsuporta sa kandidatura nito. Ang ilan ay naglabsan pa sa kanilang mga bahay na nasa looban upang masilayan at makamayan ang kongrehista, ang karamihan ay kinuha din ang pagkakataong ito upang maka pagselfie kasama ang kongrehista.

Isang isolated incident din ng pambabato at tangkang pagsasabotahe ang nagyari sa gitna ng house-to-house campaign. Ngunit hindi ito nanaig bagkus ay lalo pang lumakas ang hatak at simpatya ng mga tao kay Nograles.

Sa panayam ng RoadNews sa mga sumama sa kampanya, ay ginagawa nila ito bilang pagsuporta at pasasalamat na din sa mga naitulong sa kanila ng kongrehista. Ang mga residente naman na aming nadaanan ay nagkwento rin sa amin ng mga kabutihang naitulong sa kanila ni Cong Fidel. Ang iba naman ay hindi makapag komento dahil raw may pay-out pa sila sa kalabang kandidato.  

Nagtapos ang pagiikot ng grupo sa harap ng Primark sa Kasiglahan Village na kung saan di-mahulugang karayon ang dami ng taong nag-aabang kay Nograles.

Sa pagtatalumpati ng kongrehista pinahayag nito ang kanyang taos pusong pagpapasalamat sa kanyang mga taga suporta, kung kaya’t tinitiyak nito na kanyang ipaglalaban ang kapakanan ng mga taga Montalban.

Kabilang sa mga ipinaglalaban ni Cong Fidel bilang chairman ng House Committee on Labor ang Employement ang makabuo ng maraming trabaho, kabuhayan, edukasyon, at kalusugan at iba pa, para sa mga taga Montalban, kasama rin dito ang malapit nang matapos na Northern Tagalog Regional Hospital sa Bgy San Jose.

(Darwell Baldos)