MERALCO, MAY DAGDAG-SINGIL SA KURYENTE NGAYONG ABRIL
Magtataas singil sa kuryente ang Manila Electric Company (Meralco) ngayong Abril. Nasa P0.72 per kilowatt-hour ang dagdag sa overall household rate .
Ang pagtaas ng generation charge ng P0.7278 kada mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ang pangunahing dahilan ng dagdag-singil sa kuryente ngayong buwan .
Dahil dito, aakyat na sa P13.0127 kada kWh ang kabuuang rate para sa pangkaraniwang pamilya.
Para sa mga tipikal na customer na kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan, katumbas naman ito ng P145 na dagdag sa kanilang kabuuang bill.
Paliwanag ng Meralco, ang pagtaas ng P3.4205 kada kWh ng WESM ay sa harap ng manipis na supply ng kuryente sa Luzon Grid nitong Marso. Tumaas umano ang average demand ng 816MW habang 1,123MW naman ang itinaas ng peak demand.
Nagkaroon din ng P0.1163 kada kwh na pagtaas sa iba pang bayarin kabilang na ang buwis.
Jojo Romero
