Alkalde ng Rizal, Cagayan: PINATAY HABANG NANGANGAMPANYA
Dead on Arrival nang idinating sa Tuao District Hospital ang kasalukuyang alkalde ng bayan ng Rizal, Cagayan na pinagbabaril habang ito ay nagsasagawa ng campaign rally kagabi, Abril-23, 2025 sa Barangay Illuru.
Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Mayor Atty. Joel Ruma, kasalukuyang alkalde ng Rizal, Cagayan. Nagtamo ng isang tama ng bala sa katawan ang alkalde na nagdulot ng kaniyang kamatayan.
Batay sa inisyal na ulat, dakong 9:30 ng gabi nang pagbabarilin ang alkalde sa loob ng gymnasium ng Barangay Illuru sa naturang bayan. Nadamay rin at sugatan sa nasabing pamamaril ang dalawa pang indibidwal na sina Merson Abiguebel at Melanie Tatay.
Agad naman isinugod ang mga biktima sa Tuao District Hospital, subalit idineklarang dead on arrival ang naturang alkalde.
Agaran ding naglunsad ng checkpoint at malawakang hot pursuit operations ang Rizal Police Station katuwang ang iba pang yunit ng Cagayan PPO, habang ipinadala na rin ang flash alarm sa buong PNP Region 2. Kasalukuyan ang masinsinang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang mga nasa likuran ng krimen at motibo nito.
“Mariin naming kinondena ang karahasang ito, lalo na sa panahong tayo ay naghahanda para sa mapayapang halalan 2025. Hindi kami titigil hangga’t hindi naming naibibigay ang hustisya sa mga biktima” ani Marallag. Nanawagan din si PBGEN Antonio P Marallag Jr Regional Director ng PR02, sa publiko na agad makipagugnayan sa mga awtoridad kung may impormasyon ukol sa mga salarin.
Sina Mayor Atty. Joel Ruma at kabiyak nito na si Atty. Brenda Ruma ay kapwa muling tumatakbo bilang alkalde at bise alkalde ngayon May 2025 local elections.
Weng Torres para sa RoadNews
