Pagkatapos makulong nang walang sala, director Jade Castro, balik-pelikula

“THIS is my first after I was unjustly jailed,” pahayag ng filmmaker na si Jade Castro (“Endo,” “Zombadings (Patayon sa Shokot si Remington” at iba pa) bago ilatag sa Cinema 12 ng Gateway sa Cubao ang premier showing ng obra niyang “All the Things I Leave You,” isang naratibo na pambihira.

   Isang suwabeng pelikula ang nilikha ni Jade para sa ating lahat.

   Kuwento ito ng dalawang kabataang lalaki na may bukal nang pagmamahal sa bawat isa, mula pa nang magkita sila ng mukha sa mukha, mata sa mata bagama’t nagsimula ang koneksyon nina Jorge, apo ng may-ari ng restoran sa isang bayan sa Ilocos Norte at Kiko, isang ulila mula sa Cagayan Valley, na nais magtrabaho sa kainan nang nagkukuwentuhan sa kalsada  sina Jorge at ang pinsan niyang babae nang biglang may dumaan na morosiklo at natalsikan ng putik ang t-shrt ni Jorge.

   Lumipas ang ilang sandali at ang aplikante pala ay si Kiko at nang iparada niya ang kanyang motor sa tapat ng Tino’s Restaurant, napadungaw sa bintana si Jorge at namukhaan agad niya si Kiko pero lumukso na agad ang kanyang puso para rito.

   Hanggang sa tuluyan nang nahulma ang damdamin nina Jorge at Kiko sa isa’t isa.

   Malinis at nakaaliw ang pelikula at tiyak na magkiklik ito sa mga Kabataan o sa Gen Z na walang pakialam sa diskriminasyon ng sekswal na pagkakaiba ng bading.

   Gayunman, marami pa ring konserbatibo ang didistansiya sa pelikulang ito.

   Mahuhusay ang mga bidang sina Benedix Ramos bilang Jorge at Justin Paul Basobas bilang Kiko.

   Wala silang arte at hindi umaarte.

   Walang garapal na pagbibilad ng katawan ng mga lalaki at pakikipagtalik ng lalaki sa lalaki.

   Kontento na ang pelikula sa pagpapasikdo ng damdamin ng mga manonood at kung paano igagalang ang mga karakter ng pelikula.

   Sino ba naman ang hindi hahanga kay Jade sa pagdidirek dahil mahusay siyang magpagalaw ng kanyang mga artista?

   Kaya huwag palalagpasin ang pelikulang ito.

   Ayon kay Alemberg Ang, ang prodyuser ng obra, pang-web series pa lang itong kanilang produkto.

   May theatrical release kayang nakatakda?    “Naghahanap pa po kami,” sagot ni Alemberg.

(Boy Villasanta)