Rubber Gate 3 ng Bustos Dam Nawasak
AGARANG nagpahayag si Mayor Francis Albert Juan ng advisory sa kanyang facebook account, na nagbababala sa mga residente na nakatira malapit sa ilog at sa mabababang lugar na agarang magsilikas dahil sa posibleng pagtaaas ng tubig kaalinsunod ng pagkasira ng rubber gate ng bustos dam.
“Lahat po ng nasa tabing ilog ay pinapaalalahanan na maging alerto at pumunta na po sa mataas na lugar. Nasira po ang isang rubber gate sa Bustos Dam. Lalong-lalo na po ang mga nakatira sa tabing ilog sa mga barangay ng Tanawan, San Pedro, Poblacion, Talampas, Cambaog,” pahayag ni Mayor Juan
Sa pahayag ng PDRRMO ng Bulacan, bagaman hindi lubusang nakaka-alarma ang pagkasira ng rubber gate ng dam ay pinag-iingat pa rin ang publiko sa maaring pagbahang dulot nito.
“Ito ay patungkol sa biglaang pagsingaw ng Rubber Gate 3 ng Bustos Dam ngayong araw May 1, 2025, bandang 2:30 ng hapon, dahil sa sobrang init ng panahon. Kaugnay nito, biglaang tumapon ang tubig sa loob ng dam sa nasabing Gate 3, datapwat ito ay hindi dapat ikabahala dahil ang Gate 3 ay isang maliit lamang na bukasan at ang mababawas sa lebel ng tubig ay 2.3mts. Dahil sa oras na nabanggit na insidente ang lebel ng tubig sa loob ng Bustos Dam ay 17.38mts. lang,” ayon sa PDRRMO
“Ang rubber gate ay 5mts. wide lang kumpara sa 25-30mts. na lapad ng Angat River. Ang ibig sabihin nito ay maliit lang na bukasan ng tubig na tatapon sa maluwang na ilog,” paliwanag ng PDRRMO.
“Dagdag pa rito, dahil sa panahon ng tag-init ang kahabaan ng Angat River ay nasa Yellow Level o nasa mababang level lamang. Kaya ang mga bayan mula Bustos hanggang Calumpit ay walang dapat ikabahala sa naturang insidente dahil ang epekto nito sa Angat River ay ang maaaring biglaang pagdaloy lang ng tubig na mga 5cm. ang taas,” dagdag pa ng info.
(Darwell Baldos)
