Katunggali ni Baste Duterte sa Bise Mayoralty ng Davao City, Naghahamon ng Debate at Drug Test

DAVAO CITY — Nanawagan si vice mayoral candidate Bernie Al-ag sa kanyang mga kapwa kandidato sa 2025 midterm elections na lumahok sa isang public election debate at boluntaryong sumailalim sa hair follicle drug test bilang hakbang sa pagpapalakas ng transparency at accountability. “Isyu ang pag-usapan natin, hindi personalidad. Hindi ito tungkol sa paglalait o paninira. Ang mahalaga, matalakay natin ang tunay na problema ng Davao City — dahil ngayon, marami talaga,” pahayag ni Al-ag sa isang panayam sa radyo noong Mayo 2, 2025. Giit niya, dapat nakatuon ang kampanya sa mga solusyon at konkretong plataporma.

Plano ng kampo ni Al-ag na maisagawa ang nasabing debate katuwang ang isang institusyong pang-edukasyon. Inaayos pa ang petsa at lugar ng aktibidad.

Kaugnay naman ng lumalalang isyu ng ilegal na droga, hinikayat din ni Al-ag ang tatlo pang kandidato sa pagka-bise alkalde na magsagawa ng hair follicle drug test sa o pagkatapos ng Mayo 5, 2025.

Ayon kay Al-ag, layon ng panukalang ito na ipakita ang pagiging bukas sa publiko at magtakda ng mas mataas na pamantayan ng integridad para sa mga nagnanais manilbihan sa gobyerno.