7-POINT AGENDA AT PAGLABAN SA KORUPSIYON, IPAGPAPATULOY NG ADMINISTRASYON NI MAGALONG
BAGUIO CITY | Matapos ang kanyang muling pagkakahalal para sa ikatlong termino, siniguro ni Mayor Benjamin Magalong sa publiko na ang kanyang administrasyon ay magpapatuloy sa pagpursige ng pitong-punto na adbokasiya, upang tugunan ang mga mahahalagang isyu sa Summer Capital ng bansa.
Ang pitong-punto na adbokasiya ay binubuo ng: Environment, Land use and Energy; Climate and Disaster Resilience; Urban Regeneration; Empowering the Youth; Economic Recovery and Development; Smart City Management; at Good Governance.
“Ipagpapatuloy namin ang aming mga programa. Magpapatuloy kami sa pagpursige ng aming pitong-punto na adbokasiya at kailangang i-fasttrack at i-expedite ang mga programa upang masolusyonan ang problema natin sa urban decay,” sabi niya.
Ang urban decay ay tumutukoy sa proseso kung saan ang isang lungsod o bahagi nito ay lumalala at humihina, madalas na may kasamang mga gusaling nasira, mahinang imprastruktura, at pagtaas ng mga problema sa lipunan. Ipinangako ng alkalde ang kanyang walang sawang pagtatalaga sa paglaban sa lahat ng anyo ng korupsiyon habang ipinapahayag din niya ang kanyang pasasalamat sa mga residente sa muling pagboto sa kanya at sa kanyang mga tagasuporta sa kanilang patuloy na pagtitiwala at kumpiyansa sa kanyang liderato.
“Ang inyong pagtitiwala ay aking lakas, at kumukuha ako ng inspirasyon mula rito upang ipagpatuloy ang pagtataguyod ng Mabuting Pamamahala at isang Baguio na walang korupsiyon, na ang mga pinuno ay hindi namumuno sa kasakiman kundi may dangal. Gawin nating modelo ng mabuting pamamahala ang Baguio para sa buong bansa,” pagdidiin niya.
(Villy Vallejo)

